296 total views
Pinapanagot ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity (CBCP – ECL) ang mga nasasangkot sa 81-million dollar money laundering scheme.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, kinakailangan ng matinding imbestigasyon upang matukoy na ang mga nasa likod ng naturang nakaw na pera.
Iginiit ng Obispo na marami ng kasong kinakaharap ang Pilipinas matapos ang kontrobersiya na sumira sa tiwala ng mga banko sa ibang bansa.
“Dapat matinding imbestigasyon sa mga taong sangkot at dapat may managot kasi ang ating banking system ng Pilipinas ay nakataya diyan. Kaya sana walang white wash kailangang imbestigahin talaga kung sino talaga ang mananagot. Dahil marami tayong kaso alam nating may problema tapos walang mananagot o kaya poor people lang ang mananagot,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Samantala, pinag – aaralan na ng Senado sa ngayon kung paano mabibigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang Anti – Money Laundering Council (AMLC) upang tuluyan ng matukoy kung may sindikato a loob ng bansa na sangkot upang makapasok ang 81 million dollars na ninakaw sa Bangladesh Central Bank.
Magugunita na nangako ang negosyanteng si Kim Wong na isusuko nito sa AMLC ang 4.36 million dollars na natira mula sa 81 million dollars na ninakaw ng hackers sa Bangladesh Central Bank.
Sa record naman ng asiabet.org aabot sa humigit kumulang 40 ang mga casino sa Pilipinas.