462 total views
Magsasagawa ng special collection ang Diocese of Kidapawan sa lahat ng misa sa July 31 para sa mga nasalanta ng 7.3 magnitude na lindol sa Northern Luzon.
Apela ni Bishop Jose Colin Bagaforo sa lahat ng mga kura paroko at mananamapalataya na ipadama ang diwa ng pagmamalasakit sa kapwa lalo na sa mga biktima ng sakuna.
Nakiisa ang diyosesis sa mga apektado ng lindol lalo sa Abra na labis ang pinsalang tinamo.
“In the spirit of communion and solidarity with our brothers and sisters who are suffering because of the recent earthquake that affected the North western Luzon particularly in Ilocos provinces, Abra, Tabuk-Kalinga and Mountain Province, I am appealing for your generosity and kindness,” bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Batid ng obispo ang mahirap na karanasan ng mga biktima ng lindol dahil minsan napinsala ang diyosesis ng malakas na pagyanig noong 2019.
Ipinaliwanag ni Bishop Bagaforo na sa halip ilaan para sa seminaryo ng diyosesis ang makakalap na pondo ay ibibigay ito sa mga nasalantang diysoesis sa Northern Luzon.
Sinabi ng obispo na maaaring dalhin sa Diocesan Financce Office sa lalong madaling panahon ang makakalap na donasyon upang agad na maipadala sa nangangailangang diyosesis.
Sa datos ng Philvocs sentro ng 7.3 magnitude na lindol ang Abra kung saan sampung katao na ang naitalang nasawi.
Ilan sa mga kilalang lumang simbahan sa lugar ang napinsala tulad ng Sta. Catalina de Alexandria Church at San Lorenzo Ruiz Shrine sa Abra, Vigan Cathedral at St. John the Baptist Church sa Ilocos Sur na pawang kinikilala ng pamahalaan na may malaking ambag sa kasaysayan ng bansa.
Patuloy naman ang assessment ng social action ministries ng mga diyosesis para sa lawak ng pinsalang tinamo upang makapagbalangkas ng hakbang sa rehabilitasyon.