207 total views
Patuloy na ipagdasal at tulungan ang mga Overseas Filipino Workers maging ang kanilang mga kamag-anak na naiiwan sa bansa.
Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle kaugnay na rin sa pagdiriwang ng simbahan ng 32nd National Migrants’ Sunday.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang ‘Welcoming Protecting and Integrating Migrants and Refugees na base sa panawagan ni Pope Francis sa kanyang mensahe sa World Day of Migrants na ginanap noong Enero.
“The National Migrants Sunday is dedicated to the heroism and sacrifices of OFW’s and their families,” ayon sa pahayag.
Ang pagdiriwang ay kasabay rin sa pagkilala ng simbahan sa kabayanihan at paghihirap ng mga OFW at ng kanilang mga pamilya.
Sa inilabas na circular ng Archdiocese of Manila, pinaalalahanan ni Cardinal Tagle ang mga parokya na ang 2nd collection para sa unang Linggo ng Kuwaresma ay ilalaan para sa National Migrants Sunday.
“This is also to remind parishes of the second collection on the 1st Sunday of Lent for the National Migrant Sunday,” ayon sa circular letter na nilagdaan ni Cardinal Tagle.
Base sa tala ang Pilipinas ay may tinatayang 2.2 milyong Overseas Filipino Workers sa iba’t ibang bansa na ang pinakamarami ay matatagpuan sa Gitnang Silangan.
At kamakailan lamang ay ilang pang-aabuso ang naiulat kabilang na ang pagkakatagpo sa bangkay ng isang O-F-W sa Kuwait na nagbunsod na ipatupad ng Pilipinas ang pagbabawal sa pagpapadala ng mga manggagawang Filipino sa nasabing.
Ang hakbang ay sinang-ayunan naman ni CBCP-Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrant and Itinerant People, Balanga Bishop Ruperto Santos kasabay na rin ng panawagan sa pamahalaan na paglikha ng mas maraming trabaho dito sa bansa.