12,951 total views
Naglaan ng tatlong bilyong pisong pondo ang Pag-IBIG Fund para sa mga biktima ng lindol sa Northern Luzon.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development Secretary at Pag-IBIG Fund Chairman Jose Rizalino Acuzar, ito ay inisyal na pondo pa lamang para sa agarang pagtugon sa mamamayan lalo na sa Ilocos Region, Cagayan Valley and the Cordillera Administrative Region na labis napinsala ng 7.3 magnitude na lindol.
Tiniyak ng opisyal ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang tukuyin ang iba pang kinakailangang tulong na maaring gawin ng institusyon.
“We are also working closely with our fellow government agencies, as directed by President Ferdinand Marcos, Jr., so that we can maximize our collective assets towards providing for the needs of our fellow Filipinos affected in these areas,” bahagi ng pahayag ni Acuzar.
Sa nasabing Calamity Loan program maaaring mangutang ang Pag-IBIG Fund member ng hanggang 80-porsyento ng total savings na kinabibilangan ng buwanang kontribusyon, employer’s contribution at mga kinitang divedendo.
Ipinaliwanag ng institusyon na maaaring bayaran ang utang sa loob ng tatlong taon sa 5.95-percent rate per annum ang pinakamababang interes kumpara sa iba pang nag-aalok ng pautang.
Sinabi naman ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy Moti na nagpadala ito ng mobile branch o ang Lingkod Pag-IBIG On-Wheels sa mga lugar na naapektuhan upang mas mapabilis ang pagtugon ng institusyon sa pangangailangan ng mga apektadong miyembro.
Ayon pa ni Moti na bagamat apektado ang mga tanggapan ng Pag-IBIG Fund sa mga nabanggit na rehiyon nakahanda pa rin itong magbigay ng assistance sa nangangailangang kasapi.