357 total views
Pinangunahan ni Diocese of Cabanatuan Bishop Sufronio Bancud ang paggunita sa ikatlong anibersaryo ng maharas na pagkamatay ni Rev. Fr. Richmond Nilo.
Ayon kay Bishop Bancud, bagamat naghahatid ng kalungkutan ang kamatayan ni Fr. Nilo ay nagsisilbi naman itong isang magandang halimbawa at inspirasyon sa pagkakaroon ng matatag na buhay pananampalataya ng mga Pari at lahat ng Katoliko.
“Sa araw na ito ay ipinagdiriwang ang ikatlong taong anibersaryo ng pagkakapaslang ni Rev. Fr. Richmond Nilo at ito’y isang malungkot na alaala pero nagsilbing halimbawa at inspirasyon na tulad ng kanyang sigasig at sigla sa pananampalataya na kanyang pinanindigan at naging sanhi ng kamatayan.” pahayag ni Bishop Bancud sa panayam sa Radio Veritas.
Ayon kay Bishop Bancud, ang pag-alala sa buhay at kamatayan ni Fr. Nilo ay napapanahong paanyaya sa lahat ngayong ginugunita ang ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa bansa para sa pagkakaroon ng malalim at matatag na paninindigan bilang isang binyagan.
Paliwanag ng Obispo, mahalagang pangatawanan ng bawat Kristiyano ang paninindigan sa Mabuting Balita ng Panginooon sapagkat nakaugat dito ang lakas, sigla at alab ng puso na higit na kinakailangan sa pagharap sa iba’t ibang uri ng hamon sa buhay.
Umaasa rin ang Obispo patuloy na makapagbukas ng kamalayan ang matatag at matapat na pananampalataya ni Fr. Nilo para sa mahigpit na paghawak at paninindigan ng bawat binyagang Katoliko sa Mabuting Salita ng Diyos.
Si Fr. Richmond Nilo ay binaril at napatay sa mismong tabi ng altar habang naghahanda para sa pagsasagawa ng banal na misa sa kapilya ng Nuestra Señora de la Nieve sa Zaragoza, Nueva Ecija noong ika-10 ng Hunyo taong 2018.