367 total views
Pinangunahan ni CBCP Episcopal Commission on the Laity Chairman Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang pagbabahagi ng pagninilay para sa pagsisimula ng 33-araw na espiritwal na paghahanda sa pagtatalaga ng bansa kay San Jose.
Ayon sa Sangguniang Laiko ng Pilipinas, layunin ng 33 day spiritual preparation for the National Day of Consecration to St. Joseph na higit na makilala ng mananampalataya si San Jose bilang huwaran sa pagiging isang mabuting asawa kay Maria at ama kay Hesus.
Ipinaliwanag ni Sangguniang Laiko ng Pilipinas National President Bro. Rouquel Ponte na mahalagang higit na maipalaganap ang debosyon kay San Jose na isang mabuting halimbawa lalo na sa mga kalalakihan sa lipunan.
“Sana sa ating paghahanda sa ating 33 day spiritual preparation ay magkaroon po tayo ng grasya ng Panginoon na maging tapat doon sa ating tungkulin at sana maipalaganap pa natin itong debosyon na ito [kay San Jose] at itong pagiging mabuting halimbawa ni San Jose para sa lahat ng lalaki at ama ng tahanan…” pahayag ni Ponte.
Nagsimula ang 33 day spiritual preparation for the National Day of Consecration to St. Joseph noong ika-30 ng Marso kung saan tampok ang iba’t ibang pagninilay sa araw-araw upang higit na pagpapalalim ng pagkilala at pananampalataya kay San Jose.
Nakatakda ang National Day of Consecration to Saint Joseph sa National Shrine of Saint Joseph sa Mandaue City, Cebu kasabay ng Kapistahan ni San Jose Manggagawa sa unang araw ng Mayo kung saan inaasahan rin ang paglulunsad ng Men of Saint Joseph ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity na itinalaga ng kalipunan ng mga Obispo upang pangasiwaan ang paggunita sa idineklarang Year of Saint Joseph ngayong taon.
Nakasaad sa Liham Apostoliko ng Kanyang Kabanalan Francisco na may titulong “Patris Corde” ang deklarasyon ng Santo Papa Francisco sa pagdiriwang ng Year of Saint Joseph mula Disyembre 8, 2020 hanggang Disyembre 8, 2021 bilang paggunita na rin sa ika-150 anibersaryo ng pagkakadeklara kay San Jose bilang Patron ng buong Simbahang Katolika.