3,631 total views
Umabot na sa halos 33-ektaryang lupain ang napakinabangan ng social at development arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para maging lugar-taniman ng mga kawayan.
Ito ang Caritas Bamboo Forest Project na programa ng Caritas Philippines at Social Action Network, na sinusuportahan ng United States Agency for International Development (USAID) sa pamamagitan ng INSPIRE Project ng Gerry Roxas Foundation.
Ayon kay Caritas PH communications and partnership development head Jing Rey Henderson, ito’y pagtugon sa panawagan ng Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco at liham pastoral ng CBCP hinggil sa kalikasan.
“The beauty of this project is that we are actually creating an integrated forest, not only planting bamboo but fruit trees, vegetables, crops, ornamental plants,” pahayag ni Henderson sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ni Henderson, layunin ng proyekto na isulong ang pagtatanim ng mga kawayan sa iba’t ibang diyosesis sa bansa upang pangalagaan ang nag-iisang tahanan, at makapagbigay din ng pagkakakitaan at katiyakan sa pagkain sa mga pamayanan.
Sa kasalukuyan, nakapaglunsad na ng ng bamboo forest project sa Arkidiyosesis ng Capiz at Jaro, at Diyosesis ng San Carlos habang lima naman ang inaasahang ilulunsad sa Mindanao.
Umaasa naman ang Caritas Philippines na maipalaganap ang proyekto sa 86-diyosesis sa buong bansa na maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagtulong at pakikipag-ugnayan ng mga pamayanan, pamahalaan, at mga pribadong sektor.
“So, this is something that would actually retain the balance in biodiversity, while allowing communities to still have naturally grown vegetables and crops for their daily sustenance, and additional income,” ayon kay Henderson.
Idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Setyembre bilang Philippine Bamboo Month upang paigtingin ang kamalayan at isulong ang makabuluhang paggamit sa kawayan upang pagkakitaan at pangalagaan ang kalikasan.