211 total views
Bubuksan ng Caritas Manila ang ika – 34 na outlet ng Segunda Mana sa Tanauan Batangas.
Ito ay nagpapakita ng masigasig na hakbang ng social action arm ng Arkidiyosesis ng Maynila sa paghahanap ng pamamaraan na higit makatutulong sa mamamayan.
Layunin ng Caritas Manila na mapaunlad ang kabuhayan at pamumuhay ng mga maliliit na sektor ng lipunan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng komunidad.
Mabibili sa mga Segunda Mana outlet ang mga pre-loved items tulad ng damit, bag, sapatos, laruan, mga kagamitang pambahay at iba pa na donasyon mula sa kilalang mga personalidad, malalaking korporasyon at establisimiyentong nakikiisa sa adhikain ng Simbahang Katolika.
Pangunahing benepisyaryo ng Segunda Mana ang mga scholars ng Caritas Manila – Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) upang matustusan ang pangangailangan ng 5, 000 pinapaaral na scholars sa buong Pilipinas.
Ang Segunda Mana ay isa sa mga hakbang ng Caritas Manila na mapondohan ang YSLEP scholars.
Inihayag ng Caritas Manila na 30,000-pesos ang budget na inilalaan sa bawat batang scholar sa buong taon.
Ang ika – 34 na outlet ng Segunda Mana ay matatagpuan sa 2nd Floor ng Victory Mall and Market Tanauan Batangas na pormal bubuksan sa ika – 4 ng Hulyo ganap na alas onse ng umaga.
Pangunahan ang pagbabasbas ng outlet ni Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Rosales katuwang ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Fr. Anton CT Pascual, Mr. Nelson Ching, President, Victory Malls Group; at mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Tanauan sa pangunguna ni Mayor Sweet Halili at Vice Mayor Jun-jun Trinidad.
Bukod sa mga Segunda Mana outlets sa Metro Manila at karatig lalawigan, inaasahang masusundan ang pagbubukas ng mga outlet sa Visayas at Mindanao bago matapos ang 2019.