250 total views
“Isang biyaya na may kaakibat na responsibilidad at isipin ang kapakanan ng nakararami”
Ganito isinalarawan ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle ang partisipasyon ng mamamayan at ng mga kandidato sa May 9, 2016 elections lalo na at hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkakataon na makibahagi para magluklok ng susunod na mamumuno sa kanilang bansa.
Sa kanyang Homiliya sa Misa sa Manila Cathedral, na alay ng Radyo Veritas, iginiit ni cardinal Tagle na ang pagboto ay isang tungkulin na hindi lamang makabayan kundi maka-Diyos, banal at kinakailangan isipin hindi lamang ang sarili kundi ang ‘common good’.
“Totoo may mga panganib pero tingnan natin na ang pagkakataon ng biyaya sa ating bansa, bahagi ng demokrasya at ang demokrasya ay nakatayo sa pundasyon ng partisipasyon, sa iba’t-ibang level at sa ibang pamamaraan, ang isang pamamaraan ng participation in a democracy is elections. Kaya kung tutuusin ang pagboto ay isang tungkulin na hindi lamang makabayan kundi maka-Diyos at banal, dahil sa aking pagboto ako ay nakikilahok dito sa biyaya na binibigay sa atin na makibahagi, magkaroon ng boses para sa ikabubuti ng ating lipunan, we participate through our vote in forging the destiny of our country, what a blessing! Mahirap ka mayaman ka, may pinag-aralan o wala, iginagalang ka minamata, pag eleksyon mapalad ka, puwede kang makiisa at sa pamamagitanng boto mo, mayroon kang bahagi sa magiging kinabukasan ng ating bansa, what a blessing pero yung ganyang partisipasyon ay may kaakibat na responsibidad, paano ako makikilahok kundi ako well-informed, paano ako makikilahok kung hindi ako mag-aaral at magsusuri, paano ako makikibahagi kung hindi malinaw ang values na aking pamantayan, paano ako makikilahok sa pag-ukit ng kasaysayan ng ating bayan kung wala akong sense of the common good. What a blessing but what a responsibility.” Bahagi ng Homiliya ni Cardinal Tagle.
Kaugnay nito, iginiit din ng cardinal na isang biyaya din at may kaakibat na responsibilidad ang halalan para sa mga kandidato na kinakailangan isipin din ang kapakanan ng nakararami.
“Ang ating inihalal ay mga kinatawan ng bayan at bilang kinatawan, mayroon silang gift, malaking biyaya yun na ikaw pinagkatiwalaan para ang kabutihan ng bayan ay iyong maisulong, what a gift, public trust what a blessing… the blessing of being elected as a representative of the common good also has it corresponding responsibility, ang nahahalal bilang kinatawan ng bayan bagamat mayroong kalayaang kumilos at mag-isip ay may obligasyon din na laging makinig sa mga tao na kanyang isinasakatawan, may obligasyon din siya na linawin sa kanyang sarili ano ba ang ganap na pagtingin sa tao, what is a human being? what does human dignity mean? What does human rights really mean and what does the common good entailed…Kung ang botante kailangang mag-aral, ang kandidato at nahahalal kailangan ding mag-aral, pag-aralan ang tunay na pangangailangan ng tao na nagtitiwala sa kanya at yan lalampas na sa party politics dahil pag-uusapan na diyan ang common good.”
Ang Misa na alay para sa malinis at mapayapang halalan ay dinaluhan ng mga kandidato sa halalan kabilang na sina presidentiables Manuel Roxas at Jejomar Binay at mga senatoriable.
Matapos ang Misa, nakibahagi ang mga kandidato sa Covenant Signing for Truth o Truthful, Responsible, Upright, Transparent & Honest Elections
Tinatayang nasa 54.6 milyon ang rehistradong botante ng May 9 elections kumpara sa 2013 elections na nasa 52 milyon.