1,114 total views
Hinimok ng Health Care Commission ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mamamayan na paigtingin ang “3As: Awareness, Acceptance, Accompaniment” sa mayroong Autism Spectrum Disorder (ASD).
Ito ang panawagan ni Camillian Father Dan Cancino, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care, sa paggunita sa 27th National Autism Consciousness Week ngayong taon.
Ayon kay Fr. Cancino, mahalagang magkaroon ng malawak na kamalayan at pang-unawa ang lipunan hinggil sa ASD na malaking hamon, hindi lamang sa mga mayroon nito kun’di higit sa kapwa at pamilyang kumakalinga sa kanila.
“Talagang sila ay may mga special needs. Buong buhay nila, ito ‘yung pagdadaanan at hamon ng buhay. Pero sa mga nag-aalaga, maraming salamat dahil ito ‘yung pagpapakita ng misyon ng ating Panginoong Diyos na alagaan ang mga may karamdaman sa abot ng ating makakaya,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Bahagi ng developmental conditions o disabilities ang ASD kung saan ang isang tao ay masasabing mayroong kapansanan sa pisikal, kaalaman, pagsasalita, at pag-uugali.
Batid naman ni Fr. Cancino ang sakripisyong inilalaan ng bawat pamilya upang maipakita at maipadama ang pagpapahalaga sa miyembrong mayroong kapansanan.
Hiling ng opisyal ng CBCP na nawa ang pagmamahal at pagkalingang ito ay hindi maglaho at sa halip ay lalo pang lumalim dahil ito ang paraan ng Panginoon tungo sa kagalingan at buong pagtanggap ng lipunan.
“‘Yung ating pananampalataya sa Diyos, mas palalimin natin. At ‘yung pag-asa natin sa Diyos, doon tayo umangkla dahil ito ‘yung ating magiging sandata, magiging dala-dalahin sa pag-aalaga sa mga kapanalig nating may autism,” saad ni Fr. Cancino.
Tema ng paggunita sa 27th National Autism Consciousness Week ang “Building A Nation Powered By Transformative Autism-Inclusive Innovation”.
Taong 1996 nang lagdaan ng dating Pangulong Fidel V. Ramos ang Proclamation Number 711 na idineklara ang ikatlong linggo ng Enero bilang National Autism Consciousness Week.