18,161 total views
Iginiit ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga diyosesis sa basna ang pagtataguyod sa bokasyon ng mga kabataan.
Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Vocations Executive Secretary Fr. Randy de Jesus, dapat magkaroon ng ‘kultura ng bokasyon’ ang simbahan sa Pilipinas upang magabayan ang mga kabataang nais maglingkod sa kawan ng Panginoon.
“Isa sa mga bagay na pagtutuunan ng pansin sa kasalukuyang panahon na makabuo ng ‘Culture of Vocations’ ang mga diyosesis sa bansa,” pahayag ni Fr. de Jesus sa Radio Veritas.
Sinabi ng opisyal na siya ring National Coordinator ng Directors of Vocations in the Philippines na ito rin ang hangarin ng kauna-unahang National Vocation Festival na isasagawa sa April 27, 2024 sa Rogationist College, Silang, Cavite na nakatuon sa temang ‘Sa tawag ng Mabuting Pastol, sama-samang magmimisyon! Tena’t Magkarakol!’
Naniniwala si Fr. de Jesus na sa pamamagitan ng National Vocation Festival ay mabuksan ang kamalayan ng kabataan at ng mamamamayan sa kahalagahan ng bokasyon sa kristiyanong pamayanan.
Nakatakdang magbahagi ng mga kuwento ang mga lingkod ng simbahan na maaring kapupulutan ng aral ng mga kabataang dadalo sa pagtitipon.
“Ang goal ay hindi sa pagbibilang kung ilan ang papasok sa mga seminaryo kundi sa paghahangad na maraming kabataang makakita ng magandang buhay mula sa kwento ng mga pari, madre, layko na tumugon sa panawagan ng Diyos,” ani Fr. de Jesus.
Ang National Vocation Festival ay isa sa tampok na gawain ng National Convention of Vocation Directors and Directresses sa ika – 50 anibersaryo ng Directors of Vocations in the Philippines.
Sa kasalukuyan ibinahagi ni Fr. de Jesus na mahigit sa 4, 000 kabataan mula sa iba’t ibang diyosesis ang nagparehistro para sa pagtitipon sa April 27.
Hiling ng pari sa mamamayan ang patuloy na panalangin para sa bokasyon ng mga kabataan lalo na sa pagpapari, relihiyoso at pagmamadre gayundin ang ikatatagumpay sa Pistang Bokasyon.
Ayon sa Vatican’s Fides news agency, nasa 407-libo ang mga pari sa buong mundo na nakitaan ng pagbaba ng mahigit dalawang libo noong 2023.
Nangangahulugan itong may 3, 373 Catholics sa kada isang pari kung saan sa Pilipinas nasa 11, 000 ang bilang ng mga pari.