392 total views
Nasawi ang apat na Carmelite Sisters mula sa Carmelite Order Monastery sa La Paz district, Iloilo City dahil sa coronavirus disease.
Ayon kay Jaro Social Communications Director Fr. Angelo Colada, kabilang ang mga ito sa 33 nagpositibo sa COVID-19 na binubuo ng 24 na mga madre at siyam na mga tauhan ng monasteryo.
“So out of 24 plus nine personnel nila na nag-positive, seven ang dinala sa ospital kasi nagpapakita ng symptoms pero 4 sa kanila ‘yung namatay,” pahayag ni Fr. Colada sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa ulat, 45 residente ng monasteryo ang isinailalim sa swab testing noong Hulyo 24 makaraang magkaroon ng close contact sa isa ring madre na nauna nang nagpositibo sa virus.
Lumabas sa resulta na 33 sa mga ito ang nagpositibo kung kaya’t agad na ipinag-utos ng pamahalaang lungsod ng Iloilo noong Hulyo 25 na isailalim sa lockdown ang buong monasteryo.
Samantala, sinabi naman ni Fr. Colada na patuloy pa ring nagpapagaling ang iba pang mga madre at tauhan na nagpositibo, habang ang mga nagnegatibo naman sa COVID-19 ay nasa ilalim pa rin ng mandatory quarantine para sa close monitoring.
Batay sa COVID-19 Tracker ng Department of Health, umabot na sa higit 15,000 ang kabuuang kaso ng mga nagpositibo sa Iloilo City, habang nasa higit 300 naman ang kabuuang bilang ng mga nasawi.