202 total views
Hindi lamang usaping pang-kalusugan kundi isang panlipunang kalagayan ang patuloy na pagtaas ng HIV (Human Immunodeficiency Virus) sa bansa ayon sa opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Ito ang inihayag ni Fr. Dan Cancino, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care sa panayam ng Radio Veritas.
“Pero kung titingnan natin HIV is also a social aspect. Dahil naparaming factors na dapat tingnan natin para makita natin na itong HIV na ito ay dulot ng iba’t ibang social factors. Kung titingnan natin ang problem tree ng HIV- maraming factors yan youth vulnerability to pornography, youth vulnerability, self concept-papatak yan sa totoong konsepto ng sekswalidad, drugs, prostitution, values formation ng tao. Dahil marami rin ngayong may asawa may extra marital relationship na nagkakaroon din ng HIV,” ayon pa sa pari.
Giit ng pari, hindi lamang dapat tingnan ang nakakahawang sakit bilang usaping pangkalusugan na kinakailangan ng gamot kundi maging sa aspetong panglipunan tulad ng pagkalantad ng mga kabataan sa pornograpiya, ilegal na droga, prostitusyon at hindi pagpapahalaga sa relasyon.
“Kaya nga pinapalaganap natin ngayon yung tamang konsepto ng human sexuality. Kasi parang ang human sexuality ngayon ay isang pisikal lamang na hindi naisasalin sa isang aspeto pa na mas mahalaga sa pagpapahalaga ng relasyon,” ayon sa pahayag ni Fr. Cancino.
Naniniwala rin si Fr. Cancino na ang patuloy na pagtaas ng bilang ng HIV case sa Pilipinas ay epekto na rin ng awareness campaign kaya’t marami na ang nagpapatingin at nakikitang positibo sa pagkakaroon ng HIV.
Sa tala, aabot sa average na 40 kaso kada araw ang nahahawa ng HIV simula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Nangangamba rin ang pari dahil sa pinakamalaking porsyento ng nagkakaroon ng HIV sa kasalukuyan ay nahahawa dito sa pilipinas na dati ay karaniwang nakukuha ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
“Ang OFW dati talaga ang concentration ng population for HIV at hanggang ngayon may nagpopositibo pa rin pero for the past 15 years ay locally transmitted na rin, yun ang mataas na porsyento,” ayon kay Fr. Cancino.
Kaya’t patuloy ang panawagan ng simbahan sa publiko na maagang magpatingin sa doktor para sa tama at libreng gamutan nang hindi na makahawa pa ng iba.
Giit pa ng pari dapat bawat isa ay bigyan ng pagpapahalaga ang katawan bilang biyaya maging paanyaya sa lahat ng pagbabagong buhay.