1,491 total views
Hinamon ng Apostolic Vicariate of Taytay Palawan ang mananampalataya sa lalawigan na suriin ang sarili kung nakaugat ito sa pananampalatayang Kristiyano.
Ito ang mensahe ni Bishop Broderick Pabillo kasabay ng paghahanda ng bikaryato sa ikaapat na sentenaryo ng pagdating ng Kristiyanismo sa Palawan na dinala ng mga Agustinong misyonero.
Paksa sa year-long celebration ang ‘Amos ta ren! Demdemen. IceLebra. Ipadayon!’ na layong pagnilayan at damhin ang biyaya ng kaligtasan at pasalamatan ang mga taong naghatid ng kaligtasan sa Palawan 400 taon ang nakalilipas.
Iginiit ni Bishop Pabillo na mahalagang ipagdiwang ng buong kagalakan ang biyaya ng pananampalataya at ipagpatuloy ang pagpapalaganap sa mga komunidad.
“Dapat tanungin natin ang ating mga sarili kung nagbubunga ba ang pag-ibig ng Diyos sa aking buhay at sa ating lalawigan (Palawan). After 400 years,mas nagiging kristiyano ba ang ating pamumuhay at nakaugat ba sa paghahari ng Diyos ang kalakaran sa lipunan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Tinukoy ni Bishop Pabillo ang mga usaping panlipunan tulad ng pangangalaga sa kalikasan ng Palawan, ang pagpapahalaga sa mga mahihirap at katutubo sa lalawigan, ang pantay na pagbabahagi sa mga likas na yamang taglay nito at ang makataong pakikitungo at pagtutulungan ng mamamayan sa lugar.
Binigyang diin ng obispo na ang pagiging Kristiyano ay Katoliko na nangangahulugang ‘inclusive’ at nararapat maramdaman ng bawat nasasakupan.
“Ang kaligtasan at kaunlaran ay para sa lahat. Sama-sama tayong naglalakbay patungo sa kaharian ng Diyos. Kaya abutin natin ang mga katutubo at maliliit na tao na madalas ay nakakaligtaan. Kasama din sila sa hapag ng paghahari ng Diyos,” ani Bishop Pabillo.
Ilulunsad ang year-long celebration sa August 28, 2022 kasabay ng pagdiriwang ng kapsitahan ni San Agustin sa isang misa na pangungunahan ni Bishop Pabillo sa San Agustin Parish Cuyo Palawan kasama si Bishop Socrates Mesiona.
Ang Cuyo ang itinuring na pinakamatandang bayan sa Palawan kung saan unang inihasik ang binhi ng krisitiyanismo na sa kasalukuyan ay may 23, 000 populasyon at mayorya ay mga katoliko.
Tampok sa pagdiriwang ang pilgrimage ng Mission Cross sa buong lalawigan ng Palawan.