158 total views
Hindi nararapat at hindi makakatulong sa isang taong nagkasala ang ginawang “walk of shame” o pagpapahiya sa publiko sa mga nahuling gumagamit ng illegal na droga sa Batangas.
Iginiit ni Sister Zeny Cabrera, program coordinator ng Caritas Manila’s Restorative Justice Ministry na ang lahat ay nagkakamali at hindi ito maitutuwid sa pamamagitan ng pamamahiya sa publiko o pag-alis ng kanyang karangalan.
Itinuturing ni Sister Cabrera na pagnanakaw sa pagkatao at dangal bilang tao ang ginawang “walk of shame” sa mga nagkasala o mga naliligaw ng landas.
“Puwedeng makagawa ng kamalian ang lahat, ang lahat ng tao ay hindi naman perpekto at bawat isa ay puwedeng magkamali o makagawa ng kasalanan. Pero para sa akin ang ipahiya ang isang tao sa pamamagitan ng pagparada ng kanyang mukha o ang kanyang pangalan ay hindi dapat gawin. Kahit tayo ay may kasalanan o nakagawa tayo ng kamalian, may paraan naman na ang isang tao ay matulungan na magbago. Pero ‘yung alisin mo siya ng karangalan, ng pangalan, inalisan mo siya ng dignidad. Hindi ito ang paraan para itama ang kamalian na nagawa ng isang tao,” pahayag ni Sister Cabrera sa Radio Veritas
Binigyan diin ng Madre na hindi makakatulong at makapagbabago sa mga taong nagkamali ang pagparada at pagpahiya sa mga taong nakagawa ng masama sa lipunan.
Ginawa ng Madre ang pahayag matapos ang pinag-walk of shame ang nahuling 7-drug pushers sa Tanauan, Batangas para hindi tularan ng iba ang ginawang mali.
Paulit-ulit na ipinaalala ng Simbahan ngayong taon ng “awa at habag” na ipadama ang awa at habag ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap ng kamalian at pagpapatawad sa kapwa.