335 total views
Apat na libong piraso ng gift certificates na nagkakahalaga ng 4-milyong piso ang naipamahagi na ng Archdiocese of Cotabato at Diocese of Marbel sa Mindanao sa tulong ng Caritas Manila at Accenture Philippines.
Ang mga nasabing gift certificates ay ipinagkaloob sa mga napiling mahihirap na pamilya sa nasasakupan ng dalawang nasabing Diyosesis sa pamamagitan ng Oblates of Notre Dame Hesed Foundation Inc (OND Hesed) ang isa sa mga katuwang ng Caritas Manila sa scholarship program nito sa rehiyon ng Mindanao.
Ayon kay Sr. Joanne Lorillo, Executive Director ng OND Hesed, sila ay nagagalak sa tulong na ibinahagi ng Caritas Manila at Accenture Philippines para maabot ang mga mahihirap sa North at South Cotabato.
Ibinahagi ni Sister Lorillo na ang mga napagkalooban nito ay hindi lamang mga mananampalatayang katoliko kundi maging ang mga muslim na naninirahan sa nasabing mga probinsya.
Ipinaliwanag ni Sr. Joanne na pagpapatunay lamang ito na ang pagtulong ng Simbahang Katolika ay walang pinipili lalo na’t kapwa mayroon pangangailangan ang mga mahihirap na residente.
“Dito po sa pagbigay natin ng ayuda hindi po kami namimili. Dahil nga nandito kami sa lugar o pook na kasama natin ang mga Muslim nating kababayan, kasama at na identify din sila ng mga taga simbahan [Katolika] yun ang nakakatuwa kasi hindi lang ito sa katoliko nag-benepisyo kundi yun lahat ng nakita natin na nangangailangan.” Pahayag ni Sr. Joanne sa panayam ng Radyo Veritas.
Aminado ang Madre na labis ang galak ng mga nakatanggap ng tulong lalo na’t marami sa mga lugar kung saan sila namigay ng ayuda ay hindi agad naabot ng tulong maging ng pamahalaan.
“Yun mga areas napakalayo kasi sila talaga, yun hindi naabot ng tulong ng kahit sa Barangay pinilit natin maabot yun sa tulong ng ating mga parokya at ng ating Social Action Center. Pinuntahan natin yun at doon inabot natin yun GC’s ng ma-received nila ay kinuha na din natin ang mga tao at nagprovide ang Archdiocese ng sasakyan para sila mismo ang mamili gamit ang kanilang mga GC.” pahayag ng Madre
Inihayag ni Sr. Joanne na dahil malayo ang grocery sa tahanan ng mga residente ay tinulungan sila ng Arkidiyosesis na magkaroon ng sasakyan papunta at pauwi galing sa pamilihan.
Ito aniya ang dahilan kaya’t mas napakinabanggan ng mga residente ang gift certificates at nakapamili ng ayon sa kanilang pangangailangan.
Magugunitang nasa 28 Diyosesis o lugar sa Pilipinas ang nakatanggap ng mga gift certificates mula sa Caritas Manila at Accenture Philippines.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority sa SOCCSARGEN Region, umaabot sa 22.8 percent ang poverty incidence sa region 12 kung saan napapabilang dito ang lalawigan ng Cotabato.(
Ang mga pamilya na napili sa GC Ayuda Project ng Caritas Manila ay ang mga napapabilang sa tinatawag na ‘ultra poor families’ o kumikita lamang ng mababa pa sa 10 libong piso kada buwan.