149 total views
Inihayag ni Dr. Tony Leachon, dating Special Adviser to the National Task Force on COVID-19 na mas makabubuting magpabakuna ng 4th dose ng COVID-19 vaccine ang lahat upang matiyak ang total immunization laban sa virus.
Ayon kay Leachon, ito’y dahil lumabas sa pagsusuri ng United States Food and Drug Administration (USFDA) at Center for Disease Control (CDC) na katulad ng naunang 1st at 2nd doses ng bakuna ay humihina rin ang epekto ng 3rd dose o booster shot makalipas ang tatlo hanggang anim na buwan.
“Lumabas sa research, ang 3rd dose pala nawawala din ang bisa; 3-6 months humihina nang konti. Kaya, that was the impetus as well for the 4th dose or ‘yung 2nd booster,” pahayag ni Leachon sa panayam sa Veritas Pilipinas.
Giit ng eksperto na bagamat hindi sapilitan ang muling pagpapabakuna, mahalaga ang 4th dose lalo na sa mga senior citizen, immunocompromised, at mayroong comorbidities.
Ito’y dahil kahit nagpabakuna na ng unang booster shot, mas mahina pa rin ang kanilang kalusugan na maaaring magdulot upang magkaroon ng mas malalang karamdaman.
“Samakatuwid, kung kayo po ay 65 [years old and above] at immunocompromised or any age na may comorbid conditions at kayo’y nakatatlong bakuna, may booster na, ang sina-suggest ng CDC ay mag-booster kayo. And that is the 4th dose para maging protektado kayo from any variant na lalabas po sa ating bansa,” saad ni Leachon.
Samantala, ayon sa Department of Health, nananatiling epektibo ang COVID-19 vaccines laban sa bagong variant ng coronavirus na Omicron XE.
Ang Omicron XE ay ang pinagsamang dalawang Omicron sub-variants na BA.1 at BA.2 strains na lumalabas kapag ang pasyente ay nahawaan ng maraming COVID-19 variants.
Paliwanag ng ahensya na ang COVID-19 vaccines ay mayroong tiyak na 30 hanggang 40 percent na proteksyon laban sa Omicron X at 80 porsyento naman laban sa severe diseases.
Batay sa pagsusuri ng World Health Organization, ang Omicron XE ay nasa 10 porsyento lamang ang posibilidad na makahawa, gayunpaman, patuloy pa rin itong pinag-aaralan.
Sa kasalukuyan, nasa 12-milyon mula sa halos 47-milyong indibidwal na ang nakatanggap ng booster shots.
Nasa higit 66-milyong indibidwal naman ang kumpleto na sa bakuna laban sa COVID-19 habang higit sa 71-milyon naman ang nakatanggap na ng unang dose.