355 total views
Naglunsad ang Cathedral Parish of Saint Paul the First Hermit sa Diocese of San Pablo ng limang buwang online rosary initiative upang ipanalanging mawakasan na ang COVID-19 pandemic.
Ayon kay Msgr. Jerry Bitoon – Rector at Parish Priest ng Cathedral Parish of St. Paul the First Hermit o San Pablo Cathedral, layunin nito na higit na lumapit at ipanalangin ang pamamagitan at pagsaklolo ng Mahal na Birheng Maria upang mawakasan na ang COVID-19 pandemic.
Inilunsad ng katedral ang “PRAYING WITH MARY: An Online Rosary to End the Pandemic” kasabay ng Feast of Our Lady of Fatima noong ika-13 ng Mayo na magtatagal hanggang sa ika-13 ng Oktubre, 2021.
“Naglunsad po ang Cathedral ng San Pablo ng PRAYING WITH MARY [Online Rosary initiative], nagsimula kami ng May 13 and magpapatuloy ito hanggang October 13 parang gusto naming maramdaman si Mama Mary who’s always been an expert in ang tawag namin expert siya sa pagsaklolo sa mga crisis, so ngayon ay humaharap tayo sa crisis [COVID-19 pandemic] at nagpapatuloy ito so kailangan nating pumunta dun sa dalubhasa kung paano mag-deal sa crisis…” pahayag ni Msgr. Bitoon sa panayam sa Radio Veritas.
Nakatakda ang sabay-sabay na pananalangin ng Santo Rosaryo sa pamamagitan ng Zoom tuwing ganap na alas-otso ng gabi kung saan inaanyayahan ni Msgr. Bitoon ang lahat na makibahagi sa gawain.
Ayon sa pamunuan ng katedral, bukas ang gawain para sa lahat ng nais na makibahagi sa pananalangin ng Santo Rosaryo kung saan maaring makuha ang iba pang mga detalye tulad ng Zoom Meeting ID at password sa official facebook page ng Cathedral Parish of Saint Paul the First Hermit.
“Inaanyayahan naming kayo tuwing gabi 8 o’clock online ito po ay via Zoom, ang ZOOM ID po namin is 914 4433 242 ang password is Cathedral, join us in this PRAYING WITH MARY.” Paanyaya ni Msgr. Bitoon.
Una na ring inilunsad ng Kanyang Kabanalan Francisco ang month-long Rosary Marathon ngayong buwan ng Mayo kung saan inaanyayahan ang lahat ng mga dambana partikular na ang mga nasa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria o mga Marian Shrine sa buong mundo upang palaganapin ang pagdarasal ng Santo Rosaryo.