210 total views
Naglabas ng pamantayang dapat isaalang-alang ng mga botante ang Arkidiyosesis ng Cagayan De Oro para sa matalinong pagboto sa nalalapit na National Elections.
Pinayuhan ni Cagayan De Oro Abp. Antonio Ledesma ang mga mananampalataya na suriin ang 5C’s na Conscience, Competence, Compassion, Companion, at Commitment ng mga kandidato lalo na sa posisyon ng pagkapangulo.
“Sa amin sa Cagayan De Oro, we have come out with the criterion of 5C’s, na dapat titignan yung mga kandidato according to this 5C’s. yung Conscience, Competence, Compassion, also Companion, and then ang Commitmentng Candidate. So, dapat ito, pag-isipan talaga ng mga voters kung sinong pipiliin nilang candidates sa higher office.”pahayag ni Abp. Ledesma sa Radio Veritas
Ayon sa Arsobispo, mahalaga ang Conscience upang matukoy ang katapatan ng isang kandidato at ang pagpapahalaga nito sa integridad ng buhay.
Sumasailalim naman sa Competence ang karanasan sa paglilingkod ng kandidato, habang sa Compassion makikita ang pagmamahal nito sa mga taong nabibilang sa maliliit na sektor ng lipunan.
Dagdag pa ng Arsobispo, kinakailangang tukuyin ang Companion o ang mga nakaka-impluwensya sa isang kandidato at kung nabibilang sa political dynasty ang pamilya nito.
Ayon pa kay Abp. Ledesma, dapat rin tiyakin ang kung may Commitment ng isang kandidato lalo na sa mga usapin ng kalikasan at kahirapan.
Una nang hinimok ng CBCP ang humigit 54.6 na milyong botante na piliin ang maka Diyos na kandidato, dahil dito nakasalalay ang kasagraduhan ng pagboto na syang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.