217 total views
Ipinagpaliban muna ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) ang binabalak na “five-day PhilHealth Holiday” na isasagawa sa Enero 01-05, 2022.
Sa panayam sa Veritas Pilipinas, sinabi ni PHAPI President, Dr. Jose Rene de Grano na layunin ng PhilHealth holiday na suportahan ang mga pribadong ospital na nag-anunsyong puputulin na ang pakikipag-ugnayan sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) dahil sa mga hindi pa nababayarang utang.
“Napakarami pong kadahilanan ng paglulunsad ng PhilHealth holiday. Isa na po rito ang hindi nila tamang pagbabayad sa mga ginastos ng mga pribadong ospital para sa mga pasyente. ‘Yun po’y mga claim reimbursement lang na kailangan pong ibalik sa mga ospital nang sa gayon ay maipagpatuloy namin ang pagse-serbisyo lalo na sa mga indigent patients,” pahayag ni de Grano.
Ipinaliwanag ni de Grano na ang benepisyong makukuha ng miyembro ng PhilHealth ay inaako muna ng pribadong ospital at saka ito sisingilin sa health insurer.
Ngunit, suliranin naman ang matagal na pagbabayad o kaya nama’y hindi agad ito nababayaran ng PhilHealth sa itinakdang araw ng mga private hospital.
“‘Yan nga po ang nangyari dito sa nakaraang dalawang taon, especially nung pumasok ang mga kaso ng COVID. Alam naman po ninyo na kapag COVID, napakalaki ng PhilHealth benefits na makukuha ng pasyente,” saad ni de Grano.
Nitong nakaraang linggo ay napagkasunduan ng pamunuan ng Far Eastern University – Dr. Nicanor Reyes Medical Foundation (FEU-NRMF) na hindi na mag-renew ng accreditation sa PhilHealth dahil umabot na sa P200-milyon ang unpaid claims nito.
Nauna rito, pitong malalaking pribadong ospital sa Iloilo City ang gustong putulin ang pakikipag-ugnayan sa PhilHealth sa susunod na taon dahil din sa unpaid claims na nagkakahalaga ng humigit sa P545-milyon.
Ayon naman sa PhilHealth, nabayaran na nito ang P11.64 billion na claims sa pamamagitan ng Debit Credit Payment Method (DCPM) sa mga pribadong ospital sa buong bansa.
Sa kabuuan, ang pagkakautang ng government-owned insurance company sa mga private hospitals ay aabot sa P20-bilyon.
Ang PHAPI ay mayroong humigit-kumulang 700 miyembro, kung saan karamihan dito ay PhilHealth accredited.