3,775 total views
Mahigit sa limang milyong Filipino ang apektado sa ginagawang reclamation at dredging sa Manila bay. Inihayag ni Fernando Hicap-pangulo ng Pambansang lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa panayam ng Radyo Veritas dahil sa patuloy na operasyon ng malalaking kompanya ay naisasantabi ang kabuhayan at pang araw-araw na buhay ng mga mangingisda at mga nakatira malapit sa coast line ng Manila Bay dahil lamang sa sinasabing pag-unlad.
Bukod pa ito sa mga manggagawa sa mga pantalan at transport sectors at kanilang pamilya na umaasa sa kabuhayan sa Manila Bay.
“Irreversible ang impact niya hindi na natin pwedeng ibalik kapag nakita natin na maliit yung ating ginagawa na tinabunan natin yung Manila Bay hindi po natin siya maibabalik,” ayon kay Hicap.
Dalawang taon na simula ng isagawa ang reclamation at dredging sa Manila na pumipinsala sa corals at mga lamang dagat na nakakaapekto sa pamumuhay ng mga tao na naninirahan sa baybayin.
“From 2021 at ngayong taon halos 80% talaga yung total na production ng huli ng mga mangingisda ay nawala dahil nga dito sa tinambakan at pagsira ng bakuran natin pero napatunayan yan nung February 24, nagkaroon tayo ng diyalugo sa BFAR central office at isa sa pinag-usapan namin ay itong dredging na nagaganap sa Manila Bay,” dagdag pa ni Hicap.
Patuloy naman ang panawagan ng grupo sa pamahalaan na itigil na ang isinasagawang operasyon ng mga malalaking kompanya sa Manila Bay. Sa datos, mayroong 187-reclamation projects ang isinasagawa sa buong bansa kabilang na ang 22-proyekto sa Manila Bay.