3,043 total views
Naglaan ng tig-isang milyong piso ang Caritas Manila sa bawat diyosesis na labis na nasalanta ng nagdaang Super Typhoon Rolly.
Ito ang inihayag ni Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila kasabay na rin ng pahayag ng pagtugon naman sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses.
Ayon sa pari, tuloy-tuloy pa rin ang pagtanggap ng donasyon ng Caritas Manila matapos ang isinagawang Caritas Oplan Damayan Telethon na umaabot na sa walong milyong piso ang nakakalap.
“Maraming tumugon sa ating Typhoon Rolly Telethon, nakalikom tayo ng seven to eight million. May mga dumarating pa. basically tag-iisang milyon sa mga dioceses na tinamaan lalung lalu na sa Bicol Region,” ayon kay Fr. Pascual.
Ito ay bukod pa sa paunang 200-libong piso na ibinahagi ng Caritas Manila sa limang diyosesis na naapektuhan ng malakas na bagyo.
Kabilang sa mga tumanggap na tulong sa Caritas Manila ang mga diyosesis ng Legazpi, Daet, Virac, Catanduanes at Gumaca.
Sa kasalukuyan ay naghahanda rin ang social arm ng Archdiocese of Manila para naman tumugon sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses na nagdulot naman ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Ayon sa ulat, kabilang sa mga lugar na labis na binaha ang Maynila, Marikina, Bulacan, Rizal at Cavite.