381 total views
Naitala sa Baguio City na 45-porsyento ng kabuuang populasyon ng lungsod ang fully vaccinated na laban sa coronavirus disease.
Batay sa Baguio City Health Department, nasa mahigit 120,000 residente mula sa kabuuang populasyon ng lungsod na 281,000 ang kumpleto na sa COVID-19 vaccine.
Kabilang sa mga nabakunahan na ang mga kawani mula sa Diyosesis ng Baguio kung saan ayon kay Baguio Bishop Victor Bendico ay nasa limang pari na lamang ang hindi pa bakunado laban sa virus.
“[Five] of my priests remain unvaccinated out of 50. Most of the curia, cathedral, diocesan radio station personnel received the vaccination,” pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, kasalukuyan pa ring nasa ilalim ng General Community Quarantine ang Baguio City at ang buong lalawigan ng Benguet hanggang Setyembre 30, 2021.
Gayundin ay pinapahintulutan lamang ang 30 percent seating capacity para sa mga religious activities sa Benguet, habang 20 percent naman sa Baguio CIty.
Sa ulat ng Baguio City COVID-19 Monitoring, umabot na sa mahigit 21,000 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa lungsod habang nasa halos 3,000 ang kasalukuyang bilang ng mga aktibong kaso.
Patuloy namang ipinapaalala ng simbahan sa publiko na magpabakuna laban sa COVID-19 upang magkaroon ng karagdagang proteksyon laban sa virus tungo sa ganap na kaligtasan ng lipunan.