1,857 total views
Inilunsad ng Lay Organizations Movements Associations and Services ng Archdiocese of Cebu ang 50 Days Prayer Brigade para sa ikakatagumpay ng National Retreat for Priests sa darating na buwan ng Nobyembre 2023.
Ayon kay Layko Cebu Chairperson Fe Barino mahalaga ang mga panalangin para sa natatanging pagtitipon ng mga pastol ng simbahan na magbubuklod para sa pagninilay sa kanilang bokasyong nangangalaga sa kawan ng Panginoon.
“This 50 days round the clock prayer is very important to the priests during their retreat like what happened to the Feast of Pentecost when the Holy Spirit descended on the apostles, the Blessed Virgin Mary.” bahagi ng pahayag ni Barino.
Magsisimula ang 50 araw na pananalangin ngayong September 18 at magtatapos sa November 6, bago ang National Retreat for Priests sa November 7 hanggang 9 na susundan na Lay Congress sa November 11.
Sinabi ni Barino na siya ring chairperson ng NRP working committee na nasa 2, 300 mga pari mula sa 55 mga diyosesis sa bansa ang nagpatala para sa pagtitipon kaya’t muling nagbukas ng 500 slot para sa mga nagnanais pang dumalo.
Nasa tatlong libong mga pari ang maaring makadadalo sa retreat kung saan tampok ang mga panayam ni well-known international speaker and faith healer Sr. Briege McKenna at missionary priest Fr. Pablo Escriva de Romani.
Isasagawa ang pagtitipon sa IEC Convention Center sa Cebu City kung saan inaasahan ang pagdalo ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown na manguna sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa unang araw ng retreat.
Apela ni Barino sa mananampalataya sa bansa ang pakikiisa sa panalangin para sa matagumpay na pagtitipon ng mga pari sa buong bansa na bahagi pa rin ng 500 Years of Christianity celebration ngunit naantala dahil sa pag-iral ng pandemya sa mga nakalipas na taon.