419 total views
Itinuturing ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of Philippines (CBCP) na magandang balita ang panibagong panuntunan ng pamahalaan kaugnay sa pagsasagawa ng mga religious activities sa mga lugar na nasa General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara–Southwest Luzon Regional Representative ng CBCP, isang ‘welcome development’ ang bagong resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na nagpapahintulot sa 50-porsyento ng kapasidad ng simbahan sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng GCQ.
“Unang una po magandang balita po yan dahil alam po natin na ipinapahintulot po na sa GCQ ay 30% lang so nagbigay ng increase, yung talagang movement po talaga dapat ay ang 50% ay ia-allow lang po kapag pumunta na po tayo sa MGCQ pero dahil GCQ at nadagdagan na this is a welcome development po…” Ang bahagi ng pahayag ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara sa panayam sa Radyo Veritas.
Tiniyak naman ng Obispo na sa kabila ng pagtataas sa bilang ng mga maaring dumalo sa mga gawaing pansimbahan ay magpapatuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga safety health protocol bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19 virus.
“So kahit pinahintulot na po yung ating mga Simbahan na 50% seating capacity patuloy pa rin po yung ating pag-obserba ng ating mga health protocols yung ating washing of hands, pag-a-alcohol, yung ating facemasks, face shield pati na rin sa ating mga parishes churches, places of worship dapat yung maayos na physical distancing ay magandang tugunan dahil nga syempre nag-increase tayo ng 50% ng capacity alam naman natin kung papaano maisasaayos yung ating mga upuan sa Simbahan,” Dagdag pa ni Bishop Vergara.
Magsisimula ang implementasyon ng panuntunan ng IATF sa Lunes, ika-15 ng Pebrero.
Una nang nanindigan ang mga obispo ng Simbahang Katolika na mahalaga ang pananampalataya at buhay espiritwal ng bawat isa lalo na sa gitna ng banta ng pandemya na nagdudulot ng takot, pangamba at kawalan ng katiyakan sa bawat isa.