743 total views
Napag-alaman ng Legal Rights and Natural Resources Center (LRC) na aabot sa 49-porsyento o halos kalahati ng lahat ng Certificate of Ancestral Domain Titles (CADT) ang sangkot sa mga proyektong nakapipinsala sa kalikasan.
Batay sa inilabas na 2022 State of the Indigenous Peoples Address (SIPA) ng grupo, sakop ng pinangangambahang mga proyekto ang hindi bababa sa 1.25-milyong ektaryang lupain.
Ayon kay LRC executive director Atty. Mai Taqueban, nakapaloob o malapit sa mga rehistradong lupaing ninuno ang kalahati ng lahat ng inaprubahang large-scale mining contracts, gayundin ang 87-porsyento para naman sa large-scale logging projects.
Nakasaad din sa ulat na sa kabila ng malawak na lupain at teritoryo ng mga katutubo na nagkakahalaga ng P1-trilyon, tatlo sa apat na mga katutubo ang nananatili pa ring kabilang sa 40-porsyentong pinakamahirap na Pilipino.
“The exploitation and commoditization of nature is sadly an enduring framework to managing our natural resources. This is contrary to indigenous peoples’ conception of development. Not only has this marginalized them, it has also worsened their human rights situation, for many of them naturally oppose these projects.” pahayag ni Taqueban.
Iginiit naman ni Taqueban na ang higit na panawagan ng mga katutubo ay ang pagsuporta para sa kanilang sariling plano sa pag-unlad na kaakibat ng kanilang tinatamasang karapatan.
Higit na binigyang-pansin sa pag-uulat ng LRC ang mga pagsubok ng katutubong pamayanan laban sa extractive projects tulad ng pagmimina at quarrying.
Halimbawa nito ang operasyon ng OceanaGold copper-gold project sa Barangay Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya na nagdudulot ng suliranin sa mga katutubong pamayanan ng Tuwali dahil sa pagkaubos at polusyon sa tubig, maging ang epekto nito sa kanilang mga sakahan.
“Indigenous peoples have declared they will pursue an IP agenda under the new government. They called for a harmonization of the Indigenous Peoples’ Rights Act with natural resource and other laws affecting IPs. They also enjoined government to fast track the issuance of CADTs. Indigenous peoples’ enjoyment of their rights is premised on their right to land.” saad ni Taqueban.
Inilunsad ang SIPA 2022 kaugnay ng isasagawang United Nations Climate Change Conference of Parties o COP27 Summit ngayong buwan sa Egypt na layong hikayatin ang mga pinuno mula sa iba’t ibang bansa na suportahan ang mga layunin ng katutubo sa pagtugon sa krisis sa klima.