137 total views
Posibleng maabot na ng DOLE o Department of Labor and Employment ang target nila na mabawasan ang ENDO o End of Contract ng 50 porsiyento sa bansa ngayong 2016.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas, ayon kay Labor secretary Silvestre Bello III, unti-unti ng nagre-regular ng kanilang mga kawani ang mga kumpanya na umaabot na ngayon sa 10,000.
Pahayag ng kalihim, may mga kumpanya naman na exempted sa pag-regular ng kawani gaya ng construction.
“May sumusunod naman kaya mukhang aabutin namin yung 50 percent na target bago matapos ang 2016, 50% reduction of incidence of endo and contractual, mukhang mawawala na ang endo, yung contractual may leeway pa kasi may exemption pa diyan,” pahayag ni Bello.
Kaugnay nito, nagpapalabas na ang DOLE ng cease and desist order laban sa mga kumpanyang nagpapatupad pa rin ng ENDO dahil ito ay labag sa batas ng paggawa.
“Sa ENDO, nag-iisyu na kami ng cease and desist order dun sa mga kumpanyang sumusuway sa batas natin tungkol sa ENDO at sa contractualization, maliwanag kasi sa ating labor code at sa saligang batas na ang ating mga manggagawa ay dapat may security of tenure kaya ang Endo na yan bawal na bawal yan,” ayon kay Bello sa panayam ng Radyo Veritas.
Samantala, inatasan ng DOLE ang mga service provider na huwag ng magbigay ng mga tao sa mga malalaking kumpanya kung walang planong gawing regular ang kanilang mga bagong empleyado.
“Inaatasan namin ang mga service providers halimbawa sa isang mall na ayaw sumunod, sinasabihan namin na wag na kayo magde-deploy sa kanila ng workers so wala ng mag-dedeploy sa kanila, tanggal kayo ng tanggal tas binabalik ninyo so gagawin na namin silang regular yan ang marching order ko mula kay presidente Duterte,” ayon pa kay Bello.
Batay sa ulat ng TUCP o Trade Union Congress of the Philippines, nasa halos 35 milyong manggagawang kontraktwal mula sa mahigit 67.1 milyong kawani nitong 2016 sa bansa.
Una ng nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa world leaders na wakasan na ang umiiral na pang – aalipin sa mga maliliit na manggagawang kumikilos sa ikauunlad ng isang bansa.