478 total views
Inihayag ng isang opisyal ng simbahan na ang pagtanggap ng sakramento ng binyag ay paalala ng pagiging misyonero.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairperson ng social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, hamon din ito sa mga binyagan na ipalaganap ang pananampalatayang tinanggap.
“That by baptism we are missionary; it is also a way of reminding our people of our call to mission, to witness our faith to all nations,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ng obispo na magbibinyag ang diyosesis ng 500 mga bata bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity ng Pilipinas. Aniya, hinati sa tig-125 sa apat na bikaryatong bumuo sa Diyosesis ng Kidapawan na binubuo ng 18 mga parokya.
Unang ginawa ang libreng binyagang bayan nitong Abril 26, 2021 sa Our Lady of Mediatrix of All Grace Cathedral sa Kidapawan City kung saan personal itong pinangunahan ni Bishop Bagaforo.
“By this celebration of baptism we are proclaiming to everyone that the church in Kidapawan diocese is alive! Because Christ is indeed ALIVE!” giit ng obispo.
Noong Abril 14 kasabay ng paggunita sa unang binyag na nangyari sa Cebu noong 1521, nagsagawa rin ng malawakang mass baptism ang iba’t ibang simbahan sa 86 na mga diyosesis at arkidiyosesis sa bansa.
Halimbawa na rito ang Diyosesis ng Mati kung saan halos 1000 indibidwal ang tumanggap ng sakramento ng binyag sa nasabing araw.
Binigyang diin ni Bishop Bagaforo na marapat lamang ipagpasalamat sa Panginoon ang biyaya ng pananampalatayang kristiyanismo na tinanggap ng bawat isa.
“Appreciation and thanksgiving for the gift of faith that was given and received by us,” ani Bishop Bagaforo.
Sa datos naman ng Statistical Yearbook of the Church ng Vatican pangatlo ang Pilipinas sa may pinakamaraming binibinyagan o katumbas sa humigit kumulang 1.6 milyong mga bata edad pitong taong gulang pababa noong 2019. Bukod dito ikatlo rin ang Pilipinas sa may pinakamaraming binyagang katoliko sa 89-milyon.
Sa kabuuan tumaas ang bilang ng mga katoliko sa buong daigdig ng 16 na milyon o katumbas sa 1.34 bilyong binyagan, 17.7 porsyento sa pandaigdigang populasyon.