551 total views
Pinangunahan ni Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang pagpapatuloy ng Diocesan Baptism of 500 Children sa diyosesis.
Ayon sa Obispo ang pagbibinyag ng 125 mga bata mua sa ikalawang bikaryato ng diyosesis gawain ay bahagi ng patuloy na pangkalahatang selebrasyon ng buong Pilipinas sa ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatang Kristiyano sa bansa.
Inihayag ni Bishop Bagaforo na ang pagtanggap sa sakramento ng binyag ay isang paalala sa malalim at mayabong na pananampalataya ng mga Filipino na nagsimula sa pagbibinyag na pinangunahan ni Haring Humabon at ng kanyang asawa na si Reyna Juana.
“Ang ating ginagawa ngayon ay bahagi ng pangkalahatang selebrasyon sa buong Pilipinas ng 500 years of Christianity, sapagkat kung natatandaan ninyo 500 years ago dumating sa Pilipinas ang ating pananampalataya. Una ay nagkaroon ng misa at pagkatapos ay ang pangkalahatang pagbibinyag na pinangunahan ni Haring Humabon at ng kanyang asawa na binigyan ng pangalan na Juana.” pagninilay ni Bishop Bagaforo.
Pagbabahagi ng Obispo, bahagi ng pag-alala at pagdiriwang sa patuloy na biyaya ng pananampalatayang Kristiyano na tinanggap ng mga Pilipino 500-taon na ang nakakalipas ang hamon sa buong Simbahang Katolika na patuloy pang mapalalim at maibahagi ang Kristiyanismo at ang Salita ng Diyos sa mas nakararami.
Ayon kay Bishop Bagaforo, ito ang isa sa mga pangunahing tungkulin ng mga binyagan na maipalaganap ang pananampalatayang tinanggap at ang kaharian ng Diyos sa sanlibutan.
“Dahil sa biyaya ng pananampalatayang ibinigay sa ating 500 years ago tayo ngayon ay nagdiriwang at nagpapasalamat kaya sa lahat ng mga Simbahan sa buong Pilipinas, mga diyosesis katulad natin dito sa Kidapawan, hinihikayat tayo na kung maari ay ating gawin ang nangyari noong 500 years ago.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Matatandaang una ng ibinahagi ng Obispo ang pagbibinyag ng diyosesis ng 500 mga bata bilang paggunita sa 500 Years of Christianity ng Pilipinas kung saan hinati sa tig-125 ang pagbibinyag sa mga kabataan mula sa apat na bikaryatong bumubuo sa Diyosesis ng Kidapawan na mayroong 18 mga parokya.
Sa datos naman ng Statistical Yearbook of the Church ng Vatican pangatlo ang Pilipinas sa may pinakamaraming binibinyagan o katumbas sa humigit kumulang 1.6 milyong mga bata edad pitong taong gulang pababa noong 2019, bukod dito ikatlo rin ang Pilipinas sa may pinakamaraming binyagang katoliko sa 89-milyon.