273 total views
Ilulunsad ng Arkidiyosesis ng Cebu ang 500-day Countdown sa paggunita ng unang binyag sa Pilipinas sa unang araw ng Disyembre ang unang linggo ng Adbiyento at pagbubukas sa Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous People.
Ayon kay Fr. Mhar Balili, ang Secretary General ng Quincentennial Anniversary ito ay hudyat din ng pagsisimula sa year-long celebration ng ika-limang sentenaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas na ipagdiriwang sa 2021.
Sisimulan ang paglulunsad sa isang Misa na pangungunahan ni Archbishop Jose Palma kasama ang mga pari ng arkidiyosesis ganap na alas sais ng umaga sa Basilica Minore Del Santo Niño de Cebu.
“Magsisimula ito of course sa Holy Mass then after sa mass i-unveil natin ang countdown clock then ang blessing sa 2021 Jubilee Cross,” pahayag ni Fr. Balili sa Radio Veritas.
Ang pagbabasbas sa Tindalo Cross o ang replica ng Magellan’s cross ang isa sa mga tampok na gawain sapagkat ito rin ang magsisilbing Jubilee Cross na iikot sa mga diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa habang naghahanda sa ika-500 anibersaryo ng katolisismo.
Pagbabahagi pa ni Fr. Balili matapos ang pagbabasbas sa Jubilee Cross magsisimula na rin itong iikot kasama ang pilgrim image ng Santo Niño De Cebu kung saan una itong tutungo sa Cebu Metropolitan Cathedral.
Napagkasunduan ng arkidiyosesis na ang unang 250 araw ng pag-ikot sa Jubilee Cross at imahe ng Santo Niño ay sa mga parokya ng Cebu habang ang nalalabing 250 araw ay sa iba’t ibang diyosesis at arkidiyosesis naman ng Pilipinas.
Batay sa kasaysayan naganap ang unang binyag sa Pilipinas noong ika – 14 ng Abril 1521 kung saan inihandog ni Ferdinand Magellan kay Reyna Juana ang imahe ng batang Hesus.
Puspusan naman ang pakikipagtulungan ng mga Agustinong Pari ng Order of St. Augustine Province of Santo Niño de Cebu sa Simbahang Katolika sa Pilipinas sapagkat ang kanilang grupo ang unang misyonero sa bansa at nangangalaga sa mapaghimalang imahe ng Santo Niño mula noong ika-15 siglo.
Inaanyayahan ni Fr. Balili ang mananampalataya lalo na sa Cebu na makiisa sa mahalagang gawain para sa pananampalatayang Katoliko.
Paalala naman ng pamunuan ng Basilica Minore del Santo Niño sa mga dadalo na mahigpit ipatutupad ang ‘NO BACKPACK Policy’ para sa seguridad ng mamamayan at pagsara ng Osmena Boulevard at P. Burgos Sreet sa Cebu City mula alas kuwatro ng umaga hanggang matapos ang selebrasyon.