2,650 total views
Layunin ng Caritas Philippines na paigtingin ang diwa ng pagtutulungan sa inilunsad na Expanded Alay Kapwa Fund campaign.
Ayon kay Caritas Philippines consultant at Expanded Alay Kapwa program head Fr. Tito Caluag, anuman ang katayuan sa buhay ng isang indibidwal ay maaari pa ring makibahagi sa isinusulong na adhikain para sa mga higit na nangangailangan.
Balak ng social, development, at humanitarian arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na makalikha ng P500-milyon o higit pa bilang pondo sa mga programa ng institusyon.
“Ang kagandahan nito kasi is lahat sama-sama, mayaman o mahirap, bahagi tayo ng Alay Kapwa Extended [Fund Campaign], pantay-pantay. At saka ang isa rin naming nakita na ito rin ay pagkakataon na in a very crowdfunding type of way ay ma-lessen natin ‘yung gap ng mga mayayaman at mahihirap sa ating bansa. Kasi alam naman natin na napakalaki ng gap. So, hopefully, ‘yung mas may kaya mas tutugon ng mas malaki.” bahagi ng pahayag ni Fr. Caluag.
Umaasa ang Caritas Philippines na sa taong 2025 ay makakahikayat sila ng isang milyong donor na magbabahagi ng hindi bababa sa P500 bawat taon.
Sinabi ni Fr. Caluag na ang fund campaign ay paraan lamang upang maisakatuparan ang bawat layunin ng 7 Alay Kapwa programs ng Caritas Philippines sa pagtugon sa kalamidad; kalusugan, edukasyon; pangkabuhayan; kalikasan; katarungang panlipunan at kapayaapan; at kasanayan.
“I think it’s very important to remember that fund raising is only the means to fulfill the missions. The mission is to make the Philippine Church a church with and for the poor, iyon ho ang pinakamahalaga sa lahat.” dagdag ni Fr. Caluag.
Unang inilunsad ang Alay Kapwa taong 1975 ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines upang paigtingin ang kamalayan ng lipunan hinggil sa kalagayan ng mga mahihirap.