526 total views
Umaabot na sa 57 sa mga parokya sa Diocese ng Novaliches ang nagbukas ng mga Kindness station o community pantries. Ayon kay Novaliches Bishop Roberto Gaa, ang bilang ay 70 porsiyento ng kabuuang parokya sa diyosesis.
“Ito ang milagro ng community pantry sa daming gustong tumulong at nirerecognize kasi nila na marami ang nangangailangan. So, nagkasalubong ang maraming gustong tumulong dahil ito ang time na bumalik tayo sa ECQ at maraming temporarily ay hindi makapasok sa trabaho,” ayon kay Bishop Gaa sa programang Pastoral visit on-the-air sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng obispo, bukod sa mga parokya may kaparehong bilang din ng mga pamayanan sa Novaliches ang nagsagawa ng mga community pantry para magbigay ng tulong sa kanilang kapwa.
“Mayroong urgent need na kailangang punan na napunan ng community pantry. Yung pangangailangan na ‘yon at maraming tumugon whether organized o un-organize,” dagdag pa ng obispo.
Sa muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine noong Marso sa NCR-Plus Bubble, muling nanawagan ang Caritas Philippines-ang social arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa bawat diyosesis sa buong bansa na ang paigtingin at muling pagbubukas ng kindness station upang magbigay ng tulong sa mamamayan dahil sa krisis na dulot ng pandemya.
Ang ECQ ay ang pinakamahigpit na community quarantine kung saan tanging mga essential workers lamang ang pinahihintulutang makapasok sa trabaho.