1,357 total views
Nakatanggap ng Sakramento ng Kumpil ang 60 kabataang palaboy na kinukupkop ng Tulay ng Kabataan Foundation o ANAK-TNK.
Pinangunahan ito ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa pamamagitan ng banal na Misa sa Shrine of Mary Queen of Peace o EDSA Shrine.
Sa kanyang pagninilay, ipinaliwanag ni Cardinal Advincula na ang pagpapahid ng langis sa noo ng mga kumpilan ay pagpapatibay ng kanilang pagiging kabilang sa simbahan, at pagkilala sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.
“Ang Sakramento ng Kumpil ay isang mahalagang sakramento ng ating simbahang katolika sapagkat sa pamamagitan nito ay napapalalim ang ugnayan natin sa Espiritu Santo na tinanggap natin noong tayo ay binyagan.” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Tagubilin ng kardinal na nawa’y sa pamamagitan ng Kumpil ay buong pusong tanggapin ng mga kabataan ang pagpapalang taglay ng Espiritu Santo tungo sa pagiging mabuting Kristiyano.
Maliban sa 60 kabataan, anim na tauhan din ng ANAK-TNK ang nakatanggap ng Sakramento ng Kumpil.
“Kapag pala sumasaatin ang Espiritu Santo, kayang-kaya nating maging mabait at gumawa ng mabuti para sa kapwa… Kailangan natin ang Espiritu Santo upang katulad ni Hesus, palagi pa kayong maging mabait at mabuti sa ating kapwa.” ayon kay Cardinal Advincula.
Saksi naman sa pagdiriwang si ANAK-TNK executive director French Missionary Fr. Matthieu Dauchez, at EDSA Shrine rector Fr. Jerome Secillano.
Sinabi ni Fr. Dauchez na ang tinanggap na sakramento ng mga kabataan ay maituturing na mahalagang bahagi ng kanilang buhay sapagkat dito’y naipadama na sila’y tanggap at mahal ng Panginoon sa kabila ng kanilang pinagdaraanan.
Ibinahagi naman ng pari na kabilang sa mga kinupkop ng ANAK-TNK si Servant of God Darwin Ramos na ngayo’y nasa proseso ng beatification at canonization tungo sa pagiging ganap na banal ng simbahan.
Hiling ng pari na sa pamamagitan ni Servant of God Darwin Ramos ay magsilbi nawang inspirasyon sa mga kabataan na sa kabila ng kahirapan at kapansanan ay hindi nawalan ng pag-asa, bagkus ay higit pang inialay ang buhay para sa Panginoon.
“Servant of God Darwin Ramos became the special figure of the foundation. Dahil sa inspiration ni Darwin, umaasa akong ang dinadalang sugat sa puso ng mga batang kinupkop ng Tulay ng Kabataan, sa tulong ni Servant of God Darwin Ramos ay mawawala at matatanggap ang healing sa kanilang mga puso.” ayon kay Fr. Dauchez.
Ang Tulay ng Kabataan Foundation ay institusyong nagsisilbing tahanan na tumutulong sa mga bata at matatandang palaboy, inabandona, at mga biktima ng pang-aabuso.
Simula taong 1998, umabot na sa 60-libong kabataan sa Metro Manila ang natulungan ng Tulay ng Kabataan sa halos 40 centers nito.