19,322 total views
Tiniyak ng European Union ang patuloy na pakikipagtulungan sa Pilipinas sa pagdiriwang ng ika – 60 anibersaryo ng diplomatic relations.
Ayon kay EU Ambassador to the Philippines Luc Veron sa ikaanim na dekadang ugnayan mas paiigtingin ang pagtutulungan sa pagtaguyod sa pagpapahalaga sa nasasakupang pamayanan.
“We have a lot to show about 60 years of diplomatic relations with the Philippines, relationships that are based on shared values of democracy, human rights, equality, and the rule of law, as well as support for multilateralism and international law,” pahayag ni Veron.
Sinabi ng opisyal mas isabuhay ang diwa ng pagtutulungan at pagkakaisa sa pagitan ng Pilipinas at EU sa kabila ng pagkakaiba ng kultura at tradisyon.
Binigyang diin din ni Veron ang buong suporta sa pagpapaunlad sa ekonomiya at pagsusulong ng kapayapaan sa lipunan.
“We also have people-to-people relationships, trade and investment, relationships in terms of cooperation and peacebuilding,” giit ni Veron.
Nitong January 12, 2024 inilunsad ng EU ang yearlong celebrations ng ikaanim na dekadang bilateral relations sa pamamagitan ng pagpapailaw sa logo ng pagdiriwang sa iconic globe ng Mall of Asia sa Pasay City sa pangunguna ni Veron kasama sina Department of Foreign Affairs Undersecretary Theresa Lazaro at SM Supermalls President Steven Tan.
Batay sa kasaysayan 1948 nang magsimula ang de facto relations ng Pilipinas sa European Community at ganap na naitatag noong May 12, 1964 kung saan si Philippine Ambassador Vicente Singian ang naging kauna-unahang kinatawan ng Philippine Mission sa European Union habang 1991 naman nang pormal na magbukas ang EU Delegation sa Pilipinas.
Mula 1991 hanggang 1994 ang Pilipinas ang naging ASEAN country coordinator ng ASEAN-EU Dialogue relations kung saan kabilang sa tinalakay ang usapin ng regional security, human rights, disarmament, non-proliferation, at drug control.
Taong 2018 nang lagdaan ng EU at Pilipinas ang Partnership and Cooperation Agreement (PCA) para sa pagtutulungan sa usapin ng pulitika, lipunan, ekonomiya, kontra terorismo, transnational crime prevention, karapatang pantao, katarungan, usapang pangkapayapaan at iba pang mga usapin na kapakipakinabang sa mamamayan.