3,469 total views
Nais ng humanitarian, development, at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na palawakin pa ang maaabot ng isinusulong na 7 Alay Kapwa Legacy Program.
Ayon sa Caritas Philippines, sa mga nakalipas na taon ay nasaksihan ang patuloy na pagtugon ng simbahan iba’t ibang aspeto ng pangangailangan ng mamamayan lalo na ng mga mahihirap.
Ito’y sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor at grupo na nais makapagbigay ng pag-asa para sa bawat Filipino.
“Given the right assistance and opportunities, we witnessed Filipinos change the course of their lives and also choose to give back generously to their communities,” ayon sa Caritas Philippines.
Binabalak ng Caritas Philippines na makalikha ng isang milyong donors na mangangakong magbigay ng hindi bababa sa 500-piso bawat taon.
Umaasa ang Caritas Philippines na sa pamamagitan ng pinalawak na Alay Kapwa Fund Campaign ay maihahatid ang pitong legacy programs sa higit pang bilang ng pamilya at pamayanan sa buong bansa.
Kabilang sa Alay Kapwa Legacy Program ang Alay para sa Kabataan, Alay para sa Kabuhayan, Alay para sa Kalikasan, Alay para sa Kalusugan, Alay para sa Katarungan at Kapayapaan, Alay para sa Karunungan, at Alay para sa Katugunan sa Kalamidad.
“These seven legacy programs, founded on the hopes and dreams of every Filipino, are designed to empower our beneficiaries to become changemakers themselves. This is the story of hope that we want to share with the Philippines and the whole world,” ayon sa Caritas Philippines.