1,518 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity sa mga mananamapalataya na alalahanin at ipanalangin ang kalagayan ng mga bilanggo sa bansa lalo na sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng kumisyon, ang nalalapit na paggunita ng Prison Awareness Week ay isang paalala sa bawat isa na bigyang pansin ang kapakanan ng mga bilanggo na nagsisik-sikan sa mga bilangguan.
“Mayroon po tayong Prison Awareness Week at ito po ay ipinapaalaala sa atin ang kahalagahan ng pangangalaga natin sa mga kapatid nating nasa piitan, mahalaga po yung sinabi ni Hesus “ako’y nasa bilangguan at dinalaw niyo ako”. Kaya makita po sana natin itong mga nasa bilangguan hindi bilang mga kapatid na nagkamali lang, tingnan natin sila bilang mga kapatid na mahal si Hesus, at kaya nga kahit na nasa pandemic po mas mahirap ang kanilang kalagayan kasi mas sikip na sikip sila doon at sana patuloy natin silang alalahanin…”pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, importante na mapaluwag ang mga bilangguan bukod sa pananalangin na umusad ang kaso ng mga bilanggo upang makalaya.
Bukod sa pananalangin, hinikayat rin ni Bishop Pabillo ang bawat isa na magpaabot ng tulong sa mga bilanggo tulad ng mga pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan kabilang na ang mga gamot at hygiene kits.
“Ngayon po ipagdarasal natin na yung mga kaso nila ay mapabilis, marami sa kanila ay pwede ng mapalaya at pangalawa po kung may maitutulong tayo sa kanila tulad ng pagpapadala ng mga hygiene kits, ng mga sabon man lang, ng mga pagkain. Makakabigay pa tayo ng paabot sa kanila para maramdaman naman nila na hindi sila nakakalimutan ng mga Kristyano…” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Sa Pilipinas, itinakda ng Simbahang Katolika ang huling Linggo ng Oktubre bilang Prison Awareness Sunday upang mahimok ang mga mananampalataya na alalahanin at ipanalangin ang kapakanan at pagbabalik-loob mga bilanggo bilang bahagi ng 7 corporal works of mercy.
Tema ng 33rd Prison Awareness Week ngayong taon ang “Restoring Hope and Healing during this Time of Pandemic through God’s Transforming Unconditional Love” na gugunitain mula ika-19 hanggang ika-25 ng Oktubre.
Layunin ng taunang paggunita ng Prison Awareness Week na pukawin ang damdamin ng mga mamamayan na bigyang pansin ang kalagayan ng mga bilanggo sa buong bansa.