245 total views
7,200 pamilya ang target na mabigyan ng sapat na kahandaan sa kalamidad ng Catholic Relief Services katuwang ang iba’t-ibang Diyosesis sa Metro Manila, Bulacan at Rizal.
Ito ang inihayag ni Marino Deocaricia, Program Manager ng Project SUCCESS (Strengthening Urban Communities Capacity to Endure Severe Shocks) kaugnay sa pagtatapos ng unang bahagi ng nasabing proyekto sa may 15 barangay sa may apat na flood prone Dioceses sa bansa.
Ayon kay Deocaricia, ikinagagalak ng CRS ang positibong resulta ng kanilang proyekto kung saan mas naging aktibo ang mga komunidad sa disaster risk reduction and management lalo na sa bahagi ng paglilinis ng kanilang mga Barangay.
“Actually madami kaming nakikitang impact lalo na pagdating sa tinatawag natin na pamumuhay at well being, dun lang sa ating programa na paglilinis monthly clean up nakikita natin visibly na mas luminis at umayos ang ating mga kanal at daanang tubig na nagiging hadlang sa maayos na daloy ng tubig na nagpapalala ng pagbaha so ngayon dahil monthly yun clean up mabilis na bumababa ang tubig at hindi na lumalala ang pagbaha noong nakaraang dalawang taon,”pahayag ni Deocaricia sa panayam ng Veritas 846.
Naniniwala ang CRS na sa pamagitan ng pagtutulungan ng Simbahan at lokal na pamahalaan partikular na sa Barangay level ay mas lalong nagiging epektibo ang adhikain na maihanda ang mga mamamayan sa mga posibleng kalamidad.
“Tingin ko ang kailangan pa talaga paigtingin [lalo na] yung role ng Diocese kasi ang role talaga ng Disater Risk Reduction ay naka-angkla sa mga barangay, sila talaga yun may regular na budget para ihanda ang kanilang komunidad, ang Diocese ay tumutulong lang para palakasin ang barangay, dapat talaga yung ugnayan ng Diocese at Barangay, para yung Barangay mas lumakas pa ang kanilang mga aktibidades pagdating sa paghahanda ng community para kapag dumating ang kalamidad hindi masyadong malaki ang pinsala,” dagdag pa ni Deocaricia.
Magugunitang ang Pilipinas ay nakakaranas ng hindi bababa sa 20 bagyo kada taon at maituturing na pang-apat sa pinaka-malapit sa pagkakaroon ng mga kalamidad ayos sa datos ng United nations office for Disaster Risk Reduction.
Kaugnay nito masigasig naman ang Simbahang katolika sa bansa sa pakikibahagi sa mga programa na naglalayon ihanda at imulat ang mamamayan kaugnay sa banta ng mga paparating na kalamidad.