330 total views
Inilunsad ng Apostolic Nunciature at Pontifical and Royal University of Santo Tomas ang webinar para ipagdiwang ang pitong dekadang bilateral relation ng Holy See at Pilipinas.
Tema ng online lecture ang ‘An Overview of the 70th Anniversary of the Establishment of Diplomatic Relations between the Holy See and the Philippines’ na tinalakay ni Salesian archivist priest Nestor Impelido, isang Church historian na nagtuturo sa Don Bosco School of Theology at kasalukuyang nangangasiwa sa Don Bosco Archives.
Layon nitong palawakin pa ang relasyon sa pagitan ng Vatican at Pilipinas partikular na sa usapin ng pagpapalaganap ng pananampalataya kung saan ikatlo ang Pilipinas sa may pinakamalaking populasyon ng mga katoliko sa mahigit 80 porsyento sa kabuuang populasyon.
Nagsilbing panel of reactors sa online forum sina Dumaguete Bishop Julito Cortes, chairman ng Cultural Church Heritage commission ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at si UST Secretary-General and UST Asst. Archivist Fr. Louie R. Coronel, O.P.
Matatandaang April 8, 1951 nang maitatag ang diplomatic ties ng Holy See at Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Elpidio Quirino.
Noong Abril 2021 kasabay ng pagdiriwang ng 500 Years of Christianity ng bansa ipinagdiriwang din ang ika – 70 anibersaryo ng diplomatic relations sa pamamagitan ng online webinar na dinaluhan ng iba’t ibang kinatawan kabilang na si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, Cardinal Luis Antonio Tagle, Prefect ng Congregation for the Evangelization of Peoples’, noo’y Philippine Ambassador to the Holy See Grace Relucio Princesa at iba pa kung saan nagsilbing moderator naman si Fr. Gregory Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filipino.
Kabilang sa mabungang relasyon ng bansa at Vatican state sa pitong dekada ang apat na Papal visit: una ni Pope Paul VI noong 1970, Pope John Paul II noong 1981 at 1995, at pinakahuli si Pope Francis noong 2015.
Samantala, tampok naman sa online webinar na inilunsad ng UST ang mensahe nina Archbishop Brown, Arcbishop Paul Gallagher, Holy See Secretary for Relations with States, Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., at UST Rector Very Rev. Fr. Richard G. Ang, O.P.