61,167 total views
July 16, 2020, 1:38PM
Ipagdiriwang ng Immaculate Conception Cathedral of Cubao ang ika-70 taong anibersaryo ng pagkakatatag nito bilang parokya sa ika-15 ng Hulyo, sa gitna ng implementasyon ng General Community Quarantine sa Quezon City.
Ang selebrasyon ay kasabay ng muling pagdaraos ng simbahan ng banal na misa kasama ang publiko.
Ito ay matapos pahintulutan ng Inter-Agency Task Force ang mga simbahan na tumanggap ng mga dadalo sa misa na 10-porsyento lamang ng kanilang kabuuang kapasidad.
Ayon kay Fr. Dennis Soriano, Rector at Parish Priest ng Katedral, malaking hamon para sa simbahan ang pandemyang COVID-19.
Gayunman tinitiyak ng katedral na hindi ito malayo sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga online mass, pamimigay ng pagkain sa mga nasa lansangan at pamamahagi ng mahigit P300,000 na halaga ng mga relief items sa mga barangay na nasasakupan nito.
“A parish is a community of love. Now more than ever, we are called to take care of the poor. Before this crisis, the Philippines is a poor country, now we have become poorer. Joblessness, hunger, and poverty will become severe. We do not know yet how, but we have to do something,” mensahe ni Fr. Soriano.
Nangako si Fr. Soriano na patuloy na maglilingkod ang simbahan lalo na ngayong panahon ng krisis kung saan marami ang nawalan ng hanapbuhay at lalo pang naghirap ang mamamayang Pilipino.
Taong 1935 nang itatag ng mga pari ng Society of the Divine Word ang maliit na simbahan na ngayon ay nagsisilbing katedral ng Diyosesis ng Cubao.
July 15,1950 nang pormal itong maideklara bilang Parokya ng Inmaculada Concepcion at nalipat sa pangangalaga ng Archdiocese of Manila noong April 30, 1990.
Ika-28 ng Agosto 2003 naman ng maiproklama ito bilang katedral ng Diocese of Cubao sa ilalim ng pamumuno ni Bishop Honesto Ongtioco.