187 total views
700 mga drug Recoverees ang nakapagtapos sa unang bahagi ng Drug Rehabilitation program sa Diocese of Novaliches.
Labis na ikinatuwa ni Novaliches Bishop Antonio Tobias ang ipinakitang kahandaan sa pagbabago ng mga sumailalim sa kanilang programa.
Iginiit ni Bishop Tobias na tunay na ipinapakita ng programa ang seryosong pagtugon at pakikiisa ng Simbahang Katolika sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
“Ako ay natutuwa dahil merong nangyayari sa ating Diocese at sa palagay ko ganyan din sa ibang Dioceses para ipakita na ang simbahan ay nakikiisa sa mga attempts o plano ng ating pamahalaan… Diyos na ang bahala dyan.” pahayag ni Bishop Tobias sa Radyo Veritas.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Fr. Tony Labiao – Vicar General ng diyosesis na ang 700 drug recoverees ay sasailalim pa sa ikalawang bahagi ng rehabilitasyon.
Ayon sa pari tatawaging “Katatagan sa Komunidad Laban sa Droga” ang tatlong buwang module na magsisilbing ikalawang bahagi ng tuluyang pagpapagaling ng mga nalulong sa masamang bisyo.
“Ito ay first stage, pagkatapos ng graduation na ito, papasok sila sa continuing care or after care na mayroong 12 modules silang gagamitin, so mga another 3 months para tuloy-tuloy na yung kanilang pagbabago,” pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Nanawagan din si Father Labiao sa mga hindi pa sumusuko at nagbabalik loob na huwag nang matakot sa pagbabago.
Ayon sa pari nakahanda at taos-pusong magagalak ang simbahan na tulungan ang mga nalulong sa masamang bisyo upang makabalik sa moral nitong pamumuhay.
Hinikayat ni Father Labiao ang mga hindi pa bahagi ng kanilang Community based Drug Rehabilitation Program na lumapit lamang sa mga simbahan o parokya, barangay at munisipyo upang mapabilang sa mga sumasailalim sa programa ng simbahan.
“Ako ang panawagan ko ay magandang programa ito, magandang pagkakataon sa lahat ng gustong magbagong buhay, kaya inaanyayahan ko na yung gustong magbagong buhay may mga programa at lumapit lang kayo sa parokya o sa mga barangay o sa ating syudad para mabigyan kayo ng tulong.”
Samantala, tiniyak naman ng Diocese of Cubao na maging ang ibang distrito sa Quezon City ay natututukan ang mga programang nakalaan sa pagbabago ng mga dating drug pushers at users.
Ayon kay Bro. Johny Cardenas Lay Coordinator para sa Ugnayang Barangay at Simbahan ay mayroong PAReForm Program o Parish Approach to Rehabilitation and Formation ang kanilang diyosesis para sa Districts 1-3-4 at bahagi ng District 6 sa Quezon City.
Naniniwala si Cardenas na magpapatuloy ang magandang programang ito ng Simbahan at lalaganap pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Makasaysayan itong ginagawang pagtatapos ng mga drug surrenderers kasi ipinakikita na may pag-asa kapag nagkatulong tulong at pwede pa ring matulungan talaga yung mga naliligaw ng landas na maibalik sa pagiging mabuting kristiyano, mabuting mamamayan at makakatulog din sa pag-unlad ng bansang Pilipinas.” Pahayag ni Cardenas sa Radyo Veritas.
Matatandaang sa pagsisimula ng taon ay mahigit isang milyon ang mga sumuko sa pamahalaan na mga drug users at pushers.
Kasabay nito nagbukas ang pintuan ng mga simbahan upang magsilbing santuaryo para sa mga nalulong sa masamang bisyo at handa nang magbago at magbalik loob sa Diyos.