187 total views
Pitong daang mag-aaral na Yolanda survivor ang nakatakdang magtapos sa kolehiyo sa ilalim ng scholarship ng Caritas Manila ngayong taon.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila, ang mga estudyanteng ito ay kabilang sa 1,600 na magtatapos sa kolehiyo ngayong Marso sa ilalim ng Youth Servant Leadership Education Program-Educational Assistance Program (YSLEP-EAP) ng Caritas Manila.
“Ngayong Marso ang pinakamalaking batch natin na graduates 1,600 ang gagraduate ng college sa scholarship ng Caritas na YSLEP. At dun sa 1,600 na yan 700 ay Yolanda victims mula sa Leyte at Coron.” pagbabahagi ni Father Pascual sa Radio Veritas
Inihayag ng pari na ito ang pinakamalaking batch ng mga magsisipagtapos at nataon din sa ika-aapat na taon ng pananalasa ng bagyong Yolanda na dahilan para ilunsad ang scholarship program o YSLEP sa lalawigan.
Patuloy namang hinihikayat ni Father Pascual ang publiko na patuloy na magbahagi ng kanilang tulong para suportahan ang 5,000 college scholars sa buong bansa ng Caritas Manila na nangangailangan ng P125-milyon kada taon.
“But with our limited resources, ngayon nga ang adbokasiya ng simbahan ay stewardship na kung saan ay hinahamon ang mga katoliko na mas magbigay pa tayo at mag-abuloy para mapakinabangan ang ating mga programa sa mahihirap lalu na sa social services and development ministries,” ayon kay Fr. Pascual.
Ibinahagi din ni Father Pascual ang patuloy na paghahanap ng Caritas Manila ng mga church organization para tumulong sa mga mahihirap kung saan ngayong taon ay may 100 organizations na ang regular na tumutulong para sa scholarship, medical para sa mga matatanda, sa mga bata at may kapansanan.
Sa isang mensahe ni Pope Francis sinabi nitong ang pagbibigay ng kawanggawa sa kapwa ang pinaka-diwa ng misyon ng simbahan.