2,705 total views
Kinilala ng Church People Workers Solidarity (CWS) ang pagsusulong ng Makabayan Bloc ng House Bill No.7568 o ang Act Mandating a 750-pesos across the board and nationwide increase in the salary rate of employees.
Ayon kay Father Noel Gatchalian – CWS National Capital Region chairman, napapanahon ang karagdagang suweldo upang makasabay ang mga manggagawa sa mabilis at napakataas na inflation rate.
“Kaya naman kinakailangan na ituloy yung dagdag sahod na panukala ng Makabayan Bloc, tingnan niyo ang pinapansin ng ating mga namamahala, kagustuhan nila yung baguhin, i-ammend yung constitution samantalang napakaganda naman ng 1987 constitution, makatao, makadiyos, makapamilya at ang lahat ng ito ay gagastusan nila ng napakalaking 10 to 15 billion,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Gatchalian.
Naniniwala din ang Pari na hindi magdudulot ng labis na pagtaas ng inflation rate ang panukalang batas, sa halip ay makakatulong ito upang makapamuhay ng may dignindad ang mga manggagawa at kanilang pamilya.
Sinasabi sa pag-aaral ng Ibon Foundation na 1,140-pesos ang family living wage sa mga manggagawang sinuportahan ang pamilyang mayroong limang miyembro.
Inihayag ni Fr.Gatchalian na makatao lamang ang umento sa sahod ng mga manggagawa dahil kumita naman noong pandemic ang mga employers.
“Ang mga malalaking kompanya kahit na noong pandemya, kumita yan, kumita na maraming savings sila, bakit naman hindi sila maging makatao? maging makatarungan? mabigyan man lang ng kaunting dagdag ang sahod ng mga manggagawa,”pahayag ng pari sa Radio Veritas.
Kapag naisabatas ang HB 7568 ay aabot ng 1,091 pesos hanggang 1,320 pesos ang minimum wage ng mga manggagawa mula sa kasalukuyang 341 pesos sa mga lalawigan at 570-pesos sa National Capital Region.