412 total views
Hindi lamang ang COVID-19 pandemic ang problemang kinahaharap ng mga Filipino.
Tinukoy ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang serye ng karahasan na nagaganap sa gitna ng krisis na dulot ng COVDI-19 pandemic.
Ayon sa Obispo na chairman ng Catholic Bishops’ Conference of Philippines – Episcopal Commission on the Laity, nakadidismaya ang mga hindi maka-Diyos na pangyayaring nagaganap sa bansa bagamat mayorya ng mga Filipino ay mga Kristiyano.
“Ang problema natin ay hindi lang covid 19. Kahit na ang karamihan sa atin ay mga Kristiyano, pero ang masakit na katotohanan ay may mga kalakaran sa ating lipunan na hindi maka-Kristo at komokontra pa sa kalakaran ni Kristo.” pagninilay ni Bishop Pabillo sa mga nagaganap na karahasan sa bansa.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na kung mananatiling tikom ang bibig ng mamamayan sa mga maling nagaganap sa lipunan ay lalo lamang lalala ang mga karahasan, kasinungalingan, kaguluhan at kapahamakan tulad ng tinaguriang ‘bloody sunday’ noong ika-7 ng Marso kung saan 9 ang nasawi sa anti-rebel operation ng mga pulis at sundalo sa CALABARZON.
Iginiit ng Obispo na hindi dapat ituring na pahintulot o warrant to kill ang search warrant o anumang warrant na hawak ng mga alagad ng batas laban sa sinumang mga pinaghihinalaang lumabag ng batas.
Binigyan diin ni Bishop Pabillo na hindi na kapani-paniwala at gasgas na ang dahilan na panlalaban ng mga nasasawi sa operasyon ng puwersa ng pamahalaan.
“Kung hindi tayo iimik, lalala pa ang kalakaran ngayon na magpahamak, bumaril, pumatay at magsinungaling. Noong nakaraan Linggo ay nagiging kilala na Bloody Sunday. Siyam na mga tao ay pinatay sa southern Luzon ng mga alagad ng batas. Nandiyan iyon karaniwan at gasgas na dahilan – nanlaban kuno. May search warrant daw sila – iyang search warrant ay hindi warrant to kill.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Naniniwala rin ang Obispo na tulad ng inilunsad na war on drugs ay hindi rin magiging matagumpay ang anti-rebel operation ng pamahalaan na kapwa isinasakatuparan sa pamamagitan ng armas at dahas na maituturing na gawain ng kadiliman.
“We have to admit that the so-called war on drugs is an utter failure. Ilang libo na ang pinatay at napatay, at marami ay ang bata at matatanda na mga collateral damage, nabawasan ba ang paggamit ng droga sa bansa? Ganoon din, itong pagsusugpo ng mga pinagbibintangang komunista sa pamamagitan ng pagbabaril, pagpapatay, at pagtatanim ng mga ebidensiya ay magiging failure din kasi ito ay gawain ng kadiliman.” Giit pa ni Bishop Pabillo.