656 total views
Likas sa mga Filipino ang pagiging masayahin sa kabila ng iba’t-ibang pagsubok na kinakaharap sa buhay.
Batay sa mga pag-aaral, hindi hadlang sa mga Filipino ang anumang uri ng suliranin upang hindi makapagbigay ng magandang ngiti sa bawat labi.
Kaugnay dito sa resulta ng Veritas Truth Survey ng Kapanalig na himpilan Radio Veritas 846, lumabas na 78.6 porsyento ng mga Filipino ang nagsasabing masaya (Happy) ang kanilang buhay sa buong taong 2019.
Naging batayan dito ang mga karanasan ng mga Filipino sa taong 2019 mula sa kanilang pamilya, lugar na pinagtatrabahuan, eskwelahan, sa mga parokya at komunidad na kinabibilangan.
Batay sa VTS, 48.3 porsyento ang aminadong masaya (Happy), 29.3 porsyento ang nagsasabing masayang-masaya (Very Happy) ang kanilang taon, 18.7 ang medyo masaya (Somewhat Happy) habang may 2.7 porsyento naman ang malungkot (Not Happy)ang nagdaang taon.
Sa nasabing bilang 83 porsyento ng mga lalaki ang mas masaya kumpara sa 77 porsyento ng mga babae na karamihan ay mga Young Adults (22 – 39 year old).
Naitala rin ng VTS na 81 porsyentong mas masaya ang mga taga-Mindanao kumpara sa 80 porsyento sa Visayas at 76 porsyento ng mga taga Luzon.
Ginawa ang survey noong Nobyembre sa may 1, 200 respondents sa buong bansa kung saan labis na pinagdaanan ng mga Filipino ang suliranin ng kawalan ng suplay ng tubig sa Metro Manila, pagbagsak ng farm gate price ng palay na ikinalugi ng mga magsasaka, at ang paglaganap ng African Swine Fever na umaapekto naman sa mga hog raisers sa bansa.
Tugma rin ang resulta ng VTS sa 2019 World Happiness Report ng United Nations kung saan tumaas ng dalawang puntos ang ranking ng Pilipinas sa ika – 69 na pinakamasayang bansa kumpara sa ika – 71 pwesto noong 2018.
Sa isang pagninilay ni incoming Prefect for the Congregation of the Evangelization of Peoples, Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle nitong Pasko, hinimok nito ang mananampalataya na tanggapin si Hesus sa buhay ng bawat isa upang matamasa ang ganap na kasayahan.
Pinaalalahanan naman nito ang bawat isa na huwag gawing dahilan ang pagsasaya upang kalimutan at maisantabi ang mga kapwa na nangangailangan.