446 total views
Nakalaya na ang 90 mga raliyista na inaresto ng pulisya makaraan ang pagsasagawa ng kilos protesta sa Hacienda Tinang, Conception Tarlac.
Ayon kay Fr. Randy Salunga ng Caritas Tarlac, kabilang sa mga inaresto noong June 9 ay ang mga magsasaka at ilang mga estudyante na pinalaya matapos na maglagak ng tig-14 na libong piso bilang piyansa.
Ang mga raliyista ay nahahaharap sa kasong illegal assembly at malicious mischief na pansamantalang nakalaya sa bisa ng piyansa.
Nanawagan naman ang pari sa Agrarian Reform (DAR) na madaliin ang pagsasaayos ng mga ipinangakong lupain para sa mga tunay na benepisyaryo na umaabot na ng 26-taon.
“Yung pagpapalaya sa kanila well off course magandang kaganapan po iyon na ikinagagalak natin hindi tumagal yun. Yung kaso at may pag-uusap para ma-dismiss din yung kaso, kasi nga ang issue dapat i-resolve ito ng Department of Agrarian Reform, again regarding that issue what we want is lumabas yung katotohanan at yung mga tunay na beneficiaries ay dapat ibigay na sa kanila yung lupa,” ayon sa panayam ng Radio Veritas.
Kabilang sa mga inarestong magsasaka ay bahagi ng Agararian Reform Beneficiaries (ARB) sa Hacienda Tinang.
Sa ulat, ang lupang taniman kung saan isinagawa ang demonstrasyon ay pinagtatalunang lupain sa pagitan ng mga naarestong magsasaka at kooperatiba sa lugar.
Hiling ng pari sa dalawang kampo ang paggalang sa Saligang Batas ng Pilipinas at sa magiging desisyon ng DAR sa kung sino ang nararapat mag may-ari ng lupain.
“Sila ang nagma-manage, tapos kasama doon sa kooperatiba ay mga member din doon sa CLOA (Certificate of Land Ownership Award), beneficiaries din sila, may mga titulo, may title pero nagkakagulo doon sa mga listahan minsan, then yung iba pasok minsan yung iba kasi yun nga may claim na on the part doon sa kooperatiba may nagbenta na, may sinanla so mga ganun-ganung issue, so the issue should be settled by the DAR,” ayon pa sa pahayag ng pari.
Nilinaw din ni Fr. Salunga na taliwas sa mga naunang ulat, maayos naman ang kalagayan ng mga inaresto sa loob ng piitan.