650 total views
Mga Kapanalig, nitong Nobyembre, inaprubahan ng National Economic and Development Authority (o NEDA) ang proyektong Philippine Fisheries and Coastal Resiliency (o FishCoRe). Layunin ng proyektong mahango sa kahirapan ang 350,000 na mangingisdang nakatira sa 24 na probinsya, at makaambag sa pagtitiyak ng seguridad ng pagkain o food security sa ating bansa. Ipatutupad ito sa loob ng pitong taon at magkakahalaga ng 11.2 bilyong piso.
Inaasahang makapagbibigay ang proyektong FishCoRe ng mga kinakailangang reporma sa sektor ng pangisdaan at aquaculture upang maparami at mapalakas ang produksyon ng isda at iba pang lamang-dagat. Sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr na makatutulong daw ang FishCoRe na payabungin ang ating aquaculture, tiyakin ang suplay ng pagkain, at bigyan ng kita ang ating mga mangingisda. Makalilikha ng tinatayang 27,000 na trabaho ang proyekto. Magtatayo rin ito ng imprastruktura at mga pasilidad para naman sa mga negosyanteng mangingisda.
Tila maraming maaasahan ang proyektong FishCoRe para sa mga mangingisda. Ito ay kalugod-lugod para sa ating Simbahang itinataguyod ang dignidad at kapakanan ng mga dukha sa ating lipunan kung saan nangunguna ang mga mangingisda at magsasaka. Ayon nga sa Philippine Statistics Authority, ang sektor ng mga mangingisda ay nagtala ng poverty incidence na 26.2% noong taong 2018, pumapangalawa sa 31.6% ng maliliit na magsasaka. Kasama nga sila sa itinuturing na “poorest of the poor”.
Ngunit paano kaya titiyakin na ang tunay na makikinabang sa proyektong FishCoRe ay ang ating maliliit na mangingisda kung ang bibigyang-pansin ng ating pamahalaan ay ang industriya ng aquaculture? Ang aquaculture ay tumutukoy sa pag-aalaga at palinang ng mga isda at iba pang uri nito sa mga kontroladong kapaligiran ng katubigan para sa gawing negosyo. Walang malaking puhunan ang mga maliliit na mangingisda upang makapagsimula at makapagpatakbo ng mga ganitong proyekto. Pagkakalooban kaya sila ng FishCoRe ng puhunan? Isa pa, itinuturing ang aquaculture na isa sa mga dahilan ng tinatawag na overexploitation o pagkaunti ng mga isda at lamang-dagat, bagay na lubhang nakaaapekto sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda.
Maliban sa pagpapalakas sa sektor ng aquaculture, huwag sanang kalimutan ng gobyerno ang mga kababayan nating umaasa sa tinatawag na small-scale fishing—mga mangingisdang humuhuli ng mga isda at lamang-dagat para sa kanilang kabuhayan at pagkain. Magandang balikan ang inilabas noong 2015 ng Food and Agriculture Organization of the United Nations na Voluntary Guidelines for Securing Sustainable Small-Scale Fisheries. Binigyang-diin sa dokumentong ito ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga mangingisda sa pangangasiwa ng karagatan, pagbibigay sa kanila ng angkop na mga pasilidad at serbisyo, at pagtiyak na hindi sila malalamangan ng mga malalaking negosyante. Maglalaan din ba ang gobyerno ng sapat na pondo para sa mga bagay na ito?
Sa Kanyang pamamalagi sa mundo at sa Kanyang mga turo, malaki ang pagpapahalaga ni Hesus sa mga mangagawa, kabilang ang mga mangingisda. Hindi ba’t sila nga ang pinili Niya upang maging Kanyang mga unang disipulo, “mga mangingisda ng mga tao,” gaya ng nasasaad sa Mateo 4:19? Batid Niya ang kakayahan ng mga mangingisdang mahanap ang yaman sa gitna ng karagatan. Ganito rin sana ang ating pagpapahalaga sa mga kababayan nating mangingisda, at maipakikita ito ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng paghahatid sa kanila ng kanilang mga pangangailangan, kabilang ang proteksyon laban sa mga malalaking negosyante at mga dayuhang nagsasamantala sa ating yamang-dagat.
Mga Kapanalig, mahigit isang milyong Pilipino ang nakasalalay ang kabuhayan sa pangingisda—kaunti kung tutuusin ngunit hindi maitatangging kasama sila sa mga nagpapakain sa mahigit 110 milyong Pilipino. Matagal na silang naghihintay ng makahulugan at pangmatagalang tulong mula sa gobyerno. Sa mga mabubuong programa ng pamahalaan, mga maliliit na mangingisda naman sana ang tunay na makinabang.