2,636 total views
Binigyan diin ni Alyansa Tigil Mina National Coordinator Jaybee Garganera na hindi totoo ang responsableng na katwiran ng pamahalaan sa patuloy na pagpapahintulot sa industriya ng pagmimina sa bansa.
Ayon kay Garganera, maituturing na fake news ang responsible mining dahil pinaganda lamang nito ang tawag ngunit hindi pa rin nangangahulugang ligtas na ang kalikasan sa pagkapinsala.
“Ang pagmimina kasi ginagawa mo sa isang lugar na hindi lang ‘yung Philippine Mining Act ang pinapatupad dun. Nandoon din ang Indigenous Peoples Rights Act, ang Clean Air Act, Clean Water Act, ang Protected Area Law, at even ‘yung Local Government Code. Lahat ng batas na ‘yun ay dapat kilalanin at respetuhin ng isang responsableng minero.” pahayag ni Garganera sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit din ng opisyal na karamihan sa mga nagsasagawa ng large-scale mining sa bansa ang mas madalas lumalabag sa environmental laws.
“Yun ang tingin namin na malinaw na dahilan para sa amin kung bakit hindi kami naniniwalang may responsableng pagmimina. Kasi ang daming cases na either nilabag nila ang environmental laws natin or sila mismo na mining company, hindi nila tinutupad ‘yung kanilang contractual obligations.” ayon kay Garganera.
Hinamon naman ni Garganera ang Department of Environment and Natural Resources at mga mining company na magkaroon ng talakayan upang mapagtuunan at mabigyang-linaw ang tunay na kahulugan ng responsible mining.
Hinamon din ni Garganera ang mga mambabatas na lumikha ng mga bagong batas na susuporta sa kasalukuyang Philippine Mining Act upang mapigilan ang pagpasok ng mga malalaking korporasyong pumipinsala sa inang kalikasan.
Sa Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco, mariing tinututulan ng Santo Papa ang industriya ng pagmimina dahil nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala at paghihirap sa mga apektadong komunidad.