1,086 total views
Kapanalig, ang edukasyon ay malaking factor o salik sa equality o pagkapantay-pantay ng mga tao sa isang lipunan. Ang edukasyon ay isa sa mga pundasyon ng inklusibong lipunan.
Napakahalaga na komprehensibo ang pagtingin o pananaw ng liderato ng education sektor. Hindi dapat pache-pache ang pag-atake sa mga problema ng sektor – kailangan makita ang mga sanga sanga at magkakaugnay na isyu nito at komprontahin ang mga problema mula sa ugat.
Marami ng pagbabago ang nilatag ang mga iba ibang administrasyon ng ating bansa. Sa gitna ng transisyon at implementasyon ng K12, marami ang nagulantang sa baba ng ating grado sa Program for International Student Assessment (PISA) ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) noong 2018.
Base sa resulta nito, ang ating mga estudyante ang ang may pinaka-mababang score sa 79 na bansa sa mga subjects na mathematics, science, at reading. Mababa pa sa average ang mga scores ng ating kabataan sa math at science. Mahigit pa sa 80% ng mga estudyante ng ating bayan ang hindi man lang naka-abot sa minimum level of proficiency sa reading.
Kapanalig, ang mga resulta na ito ay sumasalamin sa sitwasyon sa ating lipunan. Ang mababang mga scores sa math, science, at reading comprehension ay makikita rin natin sa mga nilalaman at usapin sa mga posts sa mga social media. Ang mga science-based at fact-based na impormasyon ay ating sinawalang-bahala o hindi natin nauunawaan. Ang mga tsismis at maling impormasyon ay kay daling kumalat.
Kailangan, kapanalig, matutukan ang edukasyon mula kinder pa lamang. Palawakin natin ang access sa edukasyon – kailangan maabot natin ang lahat ng kabataan, lalo pa ngayon kung saan natutulungan na tayo ng teknolohiya. Kailangan din tutukan ang kalidad. Ayon sa isang pag-aaral, ang mababang kalidad ng edukasyon sa bansa ay nagmumula sa basic education pa lamang. Ang mga inputs natin dito, gaya ng mababang kwalipikasyon ng mga teachers, ay hindi nakakatulong sa pagtaas ng kalidad ng edukasyon. Kailangan din nating mayakag ang mga pamilya na muling bigyang halaga at prayoridad ang edukasyon.
Tinataguyod ng Pacem in Terris ang karapatan ng lahat sa edukasyon, Ayon nga dito, “Ang natural na batas ay nagbibigay din sa tao ng karapatang makibahagi sa mga benepisyo ng kultura, at karapatan sa isang batayang edukasyon at sa teknikal at propesyonal na pagsasanay.” Kapanalig, ang karapatang ito, kapag ating kinilala at pinahalagahan, ay hindi lamang magtitiyak ng edukasyon para sa lahat. Ito rin ay makakabuti para sa buong lipunan, at magbibigay sa lahat ng patas na oportunidad upang umunlad at guminhawa ang buhay.
Sumainyo ang Katotohanan.