1,832 total views
Nagpahayag ng pasasalamat ang Philippine Jesuit Prison Service para sa mga tumugon sa panawagan na magbahagi ng biyaya at kaligayahan para sa mga bilanggo ngayong darating na pasko.
Ibinahagi ni Rev. Fr. Firmo “Jun-G” Bargayo Jr. SJ – executive director ng PJPS na dahil sa mga may mabubuting pusong indibidwal, grupo, institusyon at mga parokya ay naabot na ng organisasyon ang target na makalikom ng 3,300 spaghetti packages at 3,300 fruit salad packages para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa papalapit na pasko.
Ayon sa Pari, layunin ng Give Joy on Christmas Project at New Bilib-Eat Project ng PJPS na makapagkaloob ng simpleng pang-salosalo sa may 33,000 bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) at Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City sa darating na Noche Buena at Media Noche.
Bukod sa pagkakaloob ng spaghetti packages at fruit salad packages sa mga bilanggo ay ibinahagi din ni Fr. Bargayo ang karagdagang donasyon na mga manok na kabilang sa kanilang pagsasalu-saluhan pagsapit ng pasko.
“The Philippine Jesuit Prison Service Foundation Inc. our PJPS would like to thank everyone for making impossible things possible for us. Yesterday, we’ve reach our goal for our Give Joy on Christmas Project, 3,300 spaghetti packages and 3,300 fruit salad packages will be given to our 33,000 PDLs – Persons Deprived of Liberty in New Bilibid Prison (NBP) and Correctional Institution for Women (CIW) during their Noche Buena and Media Noche respectively. Added to their joy is that a donor would like to donate chicken drumsticks to all during Noche Buena as well.” pahayag ni Fr. Bargayo
Umaasa naman ang organisasyon na ang pagkakaloob ng simpleng salo-salo sa mga bilanggo ay magsilbing daan upang makapagbahagi ng simpleng biyaya, pag-asa at kagalakan sa mga nalulumbay.
Unang nakapagkaloob ng mga hygiene kits at ointment ang PJPS sa mga bilanggo sa paggunita ng 35th Prison Awareness Week noong huling linggo ng Oktubre, 2022.
Ang Philippine Jesuit Prison Service (PJPS) ay ang socio-pastoral apostolate ng Society of Jesus (Philippine Province) na nagkakaloob ng iba’t ibang mga serbisyo at programa tulad ng holistic rehabilitation sa mga bilanggo o Persons Deprived of Liberty.