716 total views
Homiliya para sa Pang-anim na araw ng Simbang Gabi, Miyerkoles ng Pang-apat na Linggo ng Adbiyento, ika-21 ng Disyembre 2022, Luk 1:39-45
Maraming butas at puwang sa kuwento ni San Lukas, kaya kung mamarapatin ninyo, gusto sanang punuin ang mga puwang at basahin ang nasa pagitan ng mga linya sa kuwento niya.
Dumating ang malaking biyayang hinihintay ng mag-asawang Zacarias at Elisabet sa buhay nila, minsan isang araw. Pero imbes na galak, panglaw ang inihatid nito sa kanila. Ayon sa kuwento ni San Lukas, nagtago daw si Elisabet sa loob ng anim na buwan. Ibig sabihin, hindi na siya lumabas ng bahay mula nang malaman na nagdadalang-tao siya. Hindi na rin nakisali sa mga umpukan para makaiwas sa mga marites.
Hindi naman ang pagbubuntis niya ang ayaw niyang mapansin at mapag-usapan, kundi ang biglang pananahimik ng mister niya matapos na malaman na buntis siya. Paano niya ipapaliwanag ang mistulang pagkapipi ni Zacarias? Di ba sa normal na sitwasyon ang expected na reaksyon ng asawa ay ang maglululundag ito sa tuwa, at sabik na magbabalita sa mga kapitbahay at kamag-anak? Kung panglaw ang naging resulta ng balita at hindi pagsasaya, ano pa ang magiging kahulugan nito para sa mga marites? Ibig sabihin, hindi normal ang sitwasyon.
Basahin natin ang nasa isip ng mga marites. Bakit nga ba baligtad ang reaksyon ni Zacarias? Bakit ba parang may natuklasan na sikreto ang matanda na nagdala ng matinding pagkasindak sa kanya? Bakit ba napipi siya at hindi na kinakausap pati ang asawa niya?
May dramang nangyayari sa buhay ng pamilyang ito na walang pinagkaiba sa mga dramang kung minsan nangyayari din sa ating mga pamilya. Di ba sa gitna ng krisis, noon mo nga kailangan ng suporta? Mas matindi ang dating ng krisis kapag wala kang kasama, kapag wala kang mahingahan tungkol sa pinagdaraaanan mo, kapag wala kang mapagkatiwalaan.
Ang laki siguro ng pagtataka ni Maria pagdating niya sa bahay ng pinsan niya, matapos ang mahabang paglalakbay. Wala ang dating sigla sa dinatnan niyang tahanan. Dahil nagtatago si Elisabet, palagay ko hinalughog pa niya nang husto ang kabahayan para hanapin ang pinsan. Kinailangan niyang kumatok sa silid at tumawag dahil nakakandado ang pinto: “Ate…ate Beth…, si Bayang ito, ang pinsan mong taga-Nazareth. Narito ako para sa iyo; para alalayan kita sa panganganak. Pagbuksan mo ako.”
Ang boses ni Maria ang bumasag sa anim na buwan na pananahimik ni Elisabet. Ginising muna nito ang sanggol sa kanyang tiyan na sumipa para magising at matauhan naman si Elisabet, para tumayo at magbukas ng pinto. “Bayang! Kanino mo nalaman? Wala naman akong pinagsabihan. Halika, tuloy ka. Salamat sa Diyos narito ka. Hindi na ako nag-iisa.”
Sabi nila ang pinakamabilis makapansin sa pagbubuntis ng isang babae ay walang iba kundi ang kanyang kapwa babae na nagbuntis na. Ang inaasahan kong magsasabing “Mapalad ka sa babaeng lahat at mapalad din ang bata sa iyong sinapupunan” ay si Maria kay Elisabet. Pero lumabas ito sa bibig ni Elisabet bilang pagbati kay Maria. Ibig sabihin, kahit hindi pa nagkukuwentuhan ang magpinsan, ramdam na ni Elisabet na mayroon ding pinagdaraanan ang pinsan niya. Ganyan kung kumilos ang Espiritu Santo sa buhay natin, pinalalakas ang pakikiramdam natin. Sabi ni San Lukas “napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet.”
Ito ang pinakapunto ng ating pagninilay: ang napupuspos ng Espiritu Santo ay tumatanggap ng biyayang siksik, liglig at umaapaw. Hindi mo masarili ang biyayang hatid ng Espiritu. Ang pagdating niya sa buhay natin ay katulad ng paglalarawan na ginagawa ni Solomon sa tungkol sa pagdalaw ng Diyos sa tao na katulad ng epekto ng pagdalaw ng mangingibig sa kanyang katipan. Inihahalintulad niya ito sa pagdating ng tagsibol matapos ang mahabang panahon ng taglamig. Naghahatid daw ng sigla at pananabik. Itinataboy ang kapanglawan, pinapalitan ito ng kagalakan.
Hindi si Hesus ang unang tagahatid ng Mabuting Balita kundi si Maria. At ang Mabuting Balitang dala niya ay ang mismong anak niya—ang Salitang nagkatawang-tao sa sinpupunan niya. Ang tumanggap ng mabuting balita ay naging tagahatid ng mabuting balita. Ang pinagpala ng Diyos ay naging tagahatid ng pagpapala.
Tulad ni Maria, tayong lahat na alagad ng Anak ng Diyos na dinala niya at patuloy na dinadala sa atin ay pinupuspos ng Espiritung siksik at liglig upang patuloy na umapaw ang biyaya sa buong mundo. Kahit totoong lahat tayo ay naghihintay na tumanggap ng pagpapala, hindi lubos ang ating pagiging alagad hangga’t hindi tayo nagiging tagahatid ng pagpapala sa kapwa tao at sa buong daigdig.
Sabi nga ng bantog na panalangin:
“Kung saan may hidwaan, ang maghatid ng pagkakasundo, kung saan may sakitan ang maghatid ng patawad, kung saan may pagdududa maghatid ng pananampalataya. “
Ang prinsipyo ng pagiging tagahatid ng mabuting balita ay simple lang:
“Ang dumamay kung ibig mong damayan ka; ang umunawa kung ibig mong unawain ka; ang magmahal kung ibig mong mahalin ka, ang magbigay kung ibig mong tumanggap ka, ang magpatawad kung ibig mong patawarin ka, ang mag-alay-buhay kung ibig mong magtamo ng buhay na walang hanggan.”